Binaril at napatay ang award-winning Swedish hip-hop artist na kilala sa tawag na si C.Gambino sa Gothenburg city. Hinala ng mga awtoridad, posibleng may kinalaman sa away sa gang ang nangyaring krimen.

Sa ulat ng Reuters, sinabing batay sa imbestigasyon ng pulisya, dalawang beses na binaril si C.Gambino sa isang public parking garage. Tinatayang 25-anyos umano ang biktima.

"We suspect the crime has links to the gangs environment," ayon sa tagapagsalita ng Gothenburg police, na sinasabing may kaugnayan si C. Gambino sa isa o higit pang "criminal networks."

Nahihirapan umano ang Sweden na sawatahin ang nagaganap na karahasan naturang bansa na konektado sa organized crime. Sa nakalipas na dekada, naging triple umano ang dami ng insidente ng pamamaril.

Tinataya ng pulisya na may 62,000 katao ang sangkot o may kaugnayan sa criminal networks.

Kilala si C.Gambino, na may halos one million monthly listeners sa Spotify streaming service, sa pagtatago ng kaniyang tunay na pagkakakilanlan.

Lagi umano itong nakasuot ng mask sa mga pampublikong lugar, maging sa pagdalo niya sa Swedish Grammis music awards ceremony noong nakaraang buwan, na itinanghal siyang Swedish hip-hop artist of 2023.

Napagkakamalam umano si C.Gambino na ang American artist na si Childish Gambino.

Pero hindi rin inilabas ng pulisya ang tunay niyang pangalan.

Isinugod sa ospital ang biktima pero idineklarang dead on arrival. Patuloy pa ang imbestigasyon.

Noong 2021, binaril at pinatay din ang 19-anyos na Swedish rapper na si Einar, o Nils Gronberg ang tunay na pangalan.

Isang taon bago ang pamamarin, dinukot at binugbog si Einar ng kalaban niyang mga rapper. — mula sa ulat ng Reuters/FRJ, GMA Integrated News