Magkakaroon na ng kanilang first baby sina Joyce Ching at asawa niyang si Kevin Alimon.

Ibinahagi ng mag-asawa ang masayang balita sa kanilang vlog, na sinimulan sa isang footage mula noong March 1, nang maatraso ang buwang "dalaw" ng aktres, at nag-pregnancy test siya.

“Pero irregular kasi talaga ako at talagang normal sa 'kin na delayed ako,” saad ng Kapuso actress.

Bago gawin ang pregnancy test, nagdasal muna si Kevin ng, “Lord, we pray na we're pregnant and it's twins.”

May pansamantalang pangalan na ang mag-asawa kung sakaling kambal ang kanilang magiging anak na sina Isabel at Seth.

Pero nang lumabas ang resulta sa test kit, hindi malinaw kung positive o negative ito sa may kalabuan ang isang linya. Kaya inulit nila kinabukasan ang test at ganoon pa rin ang resulta.

Nagpasya ang mag-asawa na pumunta sa isang OB-GYN at nagpa-ultrasound si Joyce. Pero masyado pa raw maaga para malaman kung buntis nga ang aktres.

Mahigit isang linggo ang nakalipas, muling nagpa-ultrasound si Joyce at may nakitang gestational sac o  embryonic development sa unang linggo ng pagbubuntis.

Muling nagpakonsulta si Joyce noong March 26 at inanunsyo na ang kaniyang pagdadalang-tao.

“The baby is here! We are seven weeks and three days pregnant,” ani Joyce habang hawak ni Kevin ang sonogram.

“It was the longest one month we had to go through. We didn’t want to assume or celebrate anything right away, but after days and weeks of waiting, we were finally sure we were having a baby. And now we’re four months pregnant,” ayon kay Joyce.

Humiling ang mag-asawa sa kanilang followers na patuloy silang isama sa dasal.

Taong 2019 nang ikasal sina Joyce at Kevin. — FRJ, GMA Integrated News