Nanumpa nitong Miyerkoles ang mga bagong opisyal ng Senate Spouses Foundation, Inc., kasama si Heart Evangelista, na tatayong presidente nito.

Sa ulat ni Mav Gonzales sa Balitanghali nitong Miyerkoles, sinabing excited na nanumpa si Heart, o Love Marie Ongpauco-Escudero sa tunay na buhay.

Awtomatikong posisyon ni Heart ang pagiging presidente ng asosasyon bilang siya ang asawa ni Senate President Francis ''Chiz'' Escudero.

Pinangunahan ni Senator Chiz ang oath-taking.

Biniro ni Senator Chiz si Heart na huwag kabahan, dahil siya ang patunay na may “puso” ang Senado.

Ayon naman kay Heart, hindi niya maiwasang kabahan dahil hindi niya mundo ang politika. Gayunman, ginagabayan siya ni Senator Chiz.

Excited din si Heart na magtrabaho talaga sa Senate Spouses Foundation, at hindi lang para sa photo opportunity.

Nakausap din ni Heart ang maybahay ni dating Senate President Juan Miguel Zubiri na si Audrey Zubiri,  na “very supportive.”

Sa mga pagpupulong nila ng ibang spouses, napag-usapan nilang ituloy ang programa ng mga nagdaang officers, ngunit gusto rin ni Heart na lagyan ito ng “modern approach” at magkaroon ng sustainability program.

Dagdag ni Heart, tututukan nila ang mga isyu ng kababaihan at kabataan.

Inamin ni Heart na “full-time” work ang pagiging presidente ng Senate Spouses Foundation, at kailangan niya itong balansehin dahil tuloy pa rin ang kaniyang trabaho sa showbiz.

Ilang bagong officer din ng foundation ang nanumpa, kasama sina Vice President Kathryna Pimentel, asawa ni Senate Minority Leader Koko Pimentel; Secretary Maricel Tulfo, anak ni Senador Raffy Tulfo; Assistant Secretary Neil Llamanzares, asawa ni Senador Grace Poe-Llamanzares; Treasurer Cavite Representative Lani Mercado-Revilla, asawa ni Senador Bong Revilla; at PROs na sina Mariel Padilla, asawa ni Senador Robin Padilla at Nancy Dela Rosa, asawa ni Senador Ronald Dela Rosa.

Kasama rin ang iba pang committee chairpersons, kabilang sina Taguig City Mayor Lani Cayetano, asawa ni Senador Alan Peter Cayetano, undersecretary Emmeline Villar, asawa ni Senador Mark Villar; Issa Baraquel, anak ni Senador Risa Hontiveros; at Mark Lapid, anak ni Senador Lito Lapid.

Dumalo rin si Senador Robin Padilla bilang kaniyang pagsuporta. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News