Inilahad ng aktres na si Sandy Andolong binabalewala niya lamang at hindi naka-aapekto sa kaniya ang bashing na natatanggap hanggang ngayon matapos niyang mapangasawa si Christopher de Leon.
Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes, tinanong ni Tito Boy si Sandy kung nag-react ang fans ni Nora Aunor, na mas kilala sa tawag na “Noranians,” matapos silang ikinasal ni Christopher.
“Oh they did,” sabi ni Sandy. “At that time wala pang social media eh.”
Sinegunduhan ng King of Talk kung naiisip ni Sandy ang bashing na matatanggap kung meron nang social media noong panahon na iyon.
“Actually now I do. But I find that out from other people, from fans. Kasi hindi naman ako talaga nagbabasa,” sabi niya.
“But sometimes, like in my account, Instagram, may papasok. And it has come to a point, noong araw pa man, hindi ko na pinapansin talaga. It doesn’t really affect me because they don’t really know the true story behind sa buhay namin, how everything started,” dagdag ni Sandy.
“And then now, ngayong uso na ang social media, wala naman. In a way natatawa lang ako,” sabi pa niya.
Binalikan ni Sandy ang ilang usapan nila ng kaniyang mga kaibigan tungkol sa natatangap niyang bashing.
“Like, ‘O, nasulat ka!’ ‘Ano na naman?’ ‘Maski raw sa FAMAS, bakit ikaw pa, ang dami mong sinasabi. Ikaw ang naging presenter.’ So much of everything.”
Sa kabila nito, sinabi niyang hindi siya apektado, basta’t huwag lamang idadamay ang kaniyang anak sa usapan.
“And then I said, ‘Hindi ko na mabasa, and I don’t really care.’ I don’t care, because it will not make my life better. But if they are happy doing that, ‘yung saying cruel things about myself, that’s okay, ako lang ‘yan eh, huwag lang ang mga anak ko,” saad ni Sandy.
Ikinasal sina Christopher at Nora noong 1975 ngunit na-annul noong 1996.
Taong 2001 nang ikasal sina Sandy at Christopher. May lima silang anak: sina Rafael, Miguel, Gabriel, Mariel, at Mica.
Nagwaging Binibining Pilipinas International 2017 si Mariel at lumahok sa Miss International pageant noong taon ding iyon.—Jamil Santos/LDF, GMA Integrated News