Inamin ni Jestoni Alarcon na kinikilatis niya ang mga lalaking nanliligaw sa kaniyang anak na si Angela. Ano nga ba ang kaniyang mga pamantayan para pumasa ang isang binata para sa kaniyang dalaga?

Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes, guests ang mag-amang sina Jestoni at Angela, kung saan natanong si Angela tungkol sa lovelife.

“Actually, may mga dumadalaw sa kaniya na boys sa bahay talaga,” sabi ni Jestoni.

“Ang gusto ko lang kasi, makilala ko. So natutuwa ako kapag nakikilala ko in person. Kung ano man ang magiging development nila, nasa kaniya na ‘yon. Hindi naman ako magsasabing ‘O huwag ‘yan kasi ganiyan.’ Tinitingnan ko rin kung okay. Kung sa tingin kong mukhang okay naman ‘yung bata, mabait naman, sa tingin ko mamahalin nang husto ‘yung anak ko, why not, ‘di ba?” paliwanag ng aktor.

At kung hindi naman pasado ang lalaki, “Eh ‘di pag-usapan namin sa likod,” ang biro ng action star.

Inihayag ni Jestoni ang mga katangiang gusto niya sa lalaki para kay Angela.

“Tinitingnan ko siyempre ‘yung family background. At the same time, kung okay naman ang work ng bata at makita ko naman kung okay ‘yung intention sa kaniya,” saad niya.

Si Angela naman, kinikilala rin nang mabuti ang kaniyang mga manunuyo bago ipakilala sa kaniyang mga magulang.

“Siguro it should be multiple dates po muna. I need to know first if worth it na po bang ipakilala sa parents. If genuinely I have a connection with the person, if alam ko naman ‘yung intention niya sa akin is mahal talaga niya ako, doon na po talaga ready ko siyang ipakilala,” anang dalaga.

Inilahad din ng Sparkle actress kung sino ang mas strikto sa kaniyang mga magulang.

“It’s more of my dad talaga Tito Boy. My mom is pretty chill about it. Okay lang kay mommy lahat. Happy siya basta happy ako. Pero si dad po talaga, talagang bina-background check niya,” sabi ni Angela.

Ayon kay Jestoni, gusto niya lamang tiyakin ang kaligtasan ng kaniyang anak.

“Gusto ko lang na bilang ama, maging safe siya sa mga sinasamahan niya, na alam namin kung saan siya, sino ang kasama. So that’s it,” saad niya.

Ikinukuwento naman daw ni Angela sa ama ang mga nakikilala niya.

“I would always say this and that from this person na ‘I had a date with this guy.’ Nakukuwento ko eventually and kinukuwento ko rin kung ano ang personality ng guy. With that, nagiging close po talaga kami,” sabi ni Angela.

Bukod sa pagiging ama, mentor din ni Angela si Jestoni pagdating sa acting.

Nahikayat si Angela na pumasok sa showbiz dahil sa ama, na pinanunuod ang mga pelikula nito.

Parehong bahagi ng cast sina Angela at Jestoni sa Kapuso action series na “Black Rider.”-- FRJ, GMA Integrated News