Kahit baby pa lang ang anak ni Angelica Panganiban na si Amila Sabine, o si Baby Bean, inihayag ng aktres na "hinigitan" na siya nito pagdating sa pagmamahal.

Nitong Mother's Day, puno nang kasiyahan si Angelica habang nagbabakasyon kasama ang unang baby nila ni Gregg.

Sa kaniyang post sa Instagram, ibinahagi ni Angelica ang masasayang larawan nilang mag-ina. Inihayag din ng aktres sa caption ang napagtanto niya mula nang dumating sa kanilang buhay si Baby Bean.

“Nang dumating ka, hinigitan mo ang kapasidad kong magmahal,” sabi ng aktres na bumati rin ng happy Mother’s Day sa lahat.

 

 

Sa kaniyang post, makikita si Baby Bean sa second wedding ng kaniyang parents na sina Angelica at Gregg sa Siargao.

May larawan din ng bag ng breastmilk na may sulat ni Angelica na nakasaad na, “Bean, isang taon na today magmula nalaman namin ng daddy mo na buntis ako. It’s the happiest day of our lives.”

Naging engaged sina Angelica at Gregg noong 2022 habang ipinagbubuntis ng aktres si Bean. Ikinasal ang dalawa sa New Year’s Eve, na ang petsa ay 123123.— FRJ, GMA Integrated News