Inilahad ng Filipino drag artist na si Taylor Seesh na hindi siya nakaiwas sa mga homophobic na pangungutya sa kaniyang pagiging gay. Paano niya kaya ito hinarap?
"Mahirap 'pag nakipagtalo ka [sa kamag-anak] kasi, alam mo 'yun, hindi nila maintindihan. So sa bandang dulo, ikaw 'yung magmumukhang masama. So gusto ko pa rin sa chosen family kasi sila 'yung mga nakakaintindi," sabi ni Taylor Sheesh sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Martes.
Inilahad ni Taylor Seesh ang ilan sa mga masasakit na salitang kaniyang natanggap dahil sa kaniyang pagiging miyembro ng LGBTQ community.
"'Yung parang automatic [na] 'pag bakla, mahina, wala kang laban," ani Tarlor na idinugtong pa ang pagiging "salot."
"Takot ako noon, Tito Boy. Takot na takot," anang drag artist na piniling huwag lumaban. Idinagdag niya na nakaranas din siya ng pisikal na pananakit.
Ngunit ayon kay Taylor Sheesh, ang pananahimik ang kaniyang naging "defense" at "weapon."
"Napili kong manahimik ng ilang taon," sabi niya.
Pagdating naman sa bashers, sinabi ni Taylor Sheesh na pinapatulan niya ang mga ito noon.
"Dati po mapagpatol ako. Pero ngayon, sa sobrang busy, wala na akong time. Kaya 'yung pronouns ko, both blessed and successful. Parang 'Ay, wala na akong time. Ayoko,'" aniya.
Gayunman, sinabi niyang napatawad na niya ang mga nakasakit sa kaniya.
"Opo. Parang dati, puro ako galit and everything. Pero habang tumatagal, parang 'Sige, patawarin na kita. Pero hindi ko makakalimutan 'yung ginawa mo,'" pahayag niya.
Nakilala si Taylor Seesh sa matapos mag-viral ang kaniyang performance sa paggaya kay Taylor Swift para sa Eras Tour sa mga mall. Kalaunan, itinampok siya sa "Good Morning America," Rolling Stone, Pop Crave, at Gay Times sa ibang bansa.-- FRJ, GMA Integrated News