Itinuturing ni Vice Ganda na kasagutan sa mga tanong at pangangailangan ang kasunduan ng GMA Network at ABS-CBN, na ipalabas na rin sa GMA Channel 7 ang noontime show na "It's Showtime."
Sa ginanap na contract signing sa GMA Studios nitong Miyerkules, inihayag ni Vice ang labis na kasiyahan sa bagong kasunduang isinara ng dalawang giant TV network.
"Sobra ko nang na-a-appreciate 'yung resulta nung mga pag-uusap nila. Ang sarap lang nung dulo, sobrang sarap lang nung dulo," saad niya.
Inilahad ni Vice Ganda ang mga pagsubok na pinagdaan ng kanilang programa.
"Lahat naman kami nagdadasal lang na maging maayos kami ulit. 'Di ba kasi dati maayos naman, ta's nangarag, umayos nang kaunti, nangarag nang malala, umayos na naman," sabi ni Vice.
"Pero laging may dumarating na sagot sa mga tanong namin. At ito, ang laki-laking kasagutan ito sa mga tanong at pangangailangan namin. Kaya we are just so grateful," patuloy niya.
Muli ang pagsasalamat ni Vice sa GMA dahil sa pagpayag na ipalabas sa main channel nito ang kanilang noontime show, na nauna nang pinayagan sa GTV channel.
"My heart is full of joy and gratitude. Maraming salamat sa GMA. Grabe 'yung GMA," sabi ni Vice.
Sa kaniyang speech sa contract signing, sinabi ni Vice na hindi niya inakala na darating ang araw na magsasanib-puwersa ang dalawang TV network giants para sa isang TV show.
"'Yung GMA at ABS-CBN, para silang 220 at 110 [power supply] na hindi mo puwedeng pagsamahin kasi sasabog sila," saad ng TV host-comedienne.
"Hindi mo maiisip 'yun eh, na magsasama 'yung 110 at 220 kasi sasabog siya, pero posibleng mangyari sa pamamagitan ng isang transofrmer," dagdag niya. "Dahil sa transformer, nagkasundo 'yung 110 at 220."
Mapapanood sa GMA 7 ang "It's Showtime" simula sa Abril 6, at patuloy pa ring mapapanood sa GTV. — mula sa ulat ni Carby Basina/FRJ, GMA Integrated News