Nagpaliwanag ang veteran actress na si Rio Locsin kung bakit todo pa rin siya sa pag-iyak kahit tapos nang kunan ang kaniyang eksena sa Kapuso primetime series na "Black Rider." Nilinaw din niya na mayroon albulansiya at medic sa set ng taping.

Sa ulat ni Lhar Santiago sa GTV "State of the Nation" nitong Lunes, ipinakita ang video na humahagulgol pa rin si Rio at pinapakalma siya ni Ruru Madrid kahit nasa tent na sila at tapos nang kunan ang eksena.

Lumabas din ang dalawa at pinaupo si Rio, at inabutan ng tubig.

Nangyari ang insidente matapos umanong kunan ang isang mabigat na eksena sa serye.

Paglilinaw ng aktres, walang medical issue na nangyari sa kaniya gaya ng akala ng ilan na nakapanood ng video.

"Hindi po ako inatake ng hika, wala po akong hika. Hindi rin po ako nagkaroon ng anxiety attack, wala rin pong ganun. 'Yun lang talaga, mabigat lang po talaga 'yung eksena," paliwanag ni Rio.

"Masyado nang mataas 'yung emosyon ko na pagdating doon sa ika-fourth scene hindi ko na siya mapigilan kahit after the scene," patuloy niya.

Ayon pa kay Rio, walang kapabayaan na nangyari sa set at mayroong medic at ambulansiya na nakaabang sa lugar.

"May medics po kami, meron po kaming mga ambulansya, merong kaming mga security officers. Wala po, alagang-alaga po ako sa set. Wala pong untoward incident," paglilinaw niya.

Nanawagan naman ang bida sa serye na si Ruru na itigil na ang pagpapakalat ng maling impormasyon.

"Imposible pong walang medic sa set dahil hindi po natin alam ang puwedeng mangyari sa atin during du'n sa time na nagtatrabaho po tayo," saad niya.

"At the same time bukod po sa medic meron tayong naka-stand-by na mga kapulisan po natin. may naka-stand-by din po tayo na fire fighters," dagdag pa ni Ruru.

Napapanood ang "Black Rider" pagkatapos ng GMA News "24 Oras," mula Lunes hanggang Biyernes. —FRJ, GMA Integrated News