Doble ang pagdiriwang nina Derrick Monasterio at Elle Villanueva dahil bukod sa kaarawan ng aktres, ibinalita rin sa kanila na extended ang pinagbibidahan nilang GMA Afternoon Prime series na “Makiling.”

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa 24 Oras nitong Huwebes, sinabing nataon ang anunsyo sa kaarawan ni Elle nitong nakaraang Linggo.

Ipinagdiwang nina Derrick at Elle ang kaarawan ng dalaga sa Batangas.

“This time kasama ko si Derrick pati si mommy, pumunta kami ng Anilao, nag-freediving kami roon. Sobrang na-enjoy namin,” kuwento ni Elle.

“‘Yun talaga kasi ‘yung gusto ni Elle dito ‘pag birthday niya, or kahit na gusto lang niyang mag-relax, gusto talaga niya ng beach,” sabi naman ni Derrick.

Nagsilbing birthday gift para kay Elle ang extension ng Makiling.

“Hindi lang talaga siya basta mataas na ratings lang, maganda. ‘Yung pinaka-rewarding diyan is ‘yung pinagpaguran talaga namin kasi siya. Nakakatuwa,” ani Derrick.

“Kahit kami nabibitin kami. Gusto pa namin ng more story, more character arch. Gusto pa naming ituloy ‘yung show, magbigay ng mas malalim na storya pa,” sabi ni Elle.

Dahil dito, handa na sina Derrick at Elle sa mas matinding dramahan, gantihan at aksyon ngayong extended ang kanilang series.

“Sinabi sa akin palalagyan nila talaga ako ng mas marami pang maaakysong scene kasi, bagay naman daw sa akin, hindi naman awkward. Wow, thank you po for the compliment,” sabi ni Derrick.

“‘Yung magkaroon kami ng eksenang action na dalawa ni Derrick, maglalaban kami,” natatawang biro naman ni Elle sa mga inaasahan niyang eksena. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News