Masayang ibinahagi nina John Prats at Isabel Oli ang mga nadiskubre nila sa isa't isa muna nang maging mag-asawa sila. Aminado rin ang dalawa na hindi perpekto ang kanilang pagsasama na may mga panahon na "lows."

Sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Biyernes, sinabi ni John na sobrang blessed siya na maging kabiyak si Isabel na mahinhin noong nililigawan niya.

"Before ko siyang ligawan akala ko mahinhin. Nagtagal 'yung relasyon namin, sobra siyang baliw and siraulo [in a good way]," ani John. "Sabi ko, from then on... Okay ito kasi siyempre I'm gonna spend my whole life with this person. Never boring."

Biro naman ni Isabel tungkol kay John, "Seryoso pala siya. Kasi parang chickboy 'yung dating niya kasi."

"Puwede bang searching?" singit ni John. "And sometimes tiring. And I'm thankful that dumating ka (Isabel)."

Patuloy ni Isabel, "seryoso and really sincere" si John bilang lalaki.

Sinabi sina John at Isabel na hindi biro ang pag-aasawa.

"Everyday may bagong pagsubok. Moving and moving forward and we're discovering things. Minsan mahirap, siyempre wala namang madali. Even sa parenting," ani John.

"Sabi ko nga, pinahiram lang sila sa amin ng Diyos, and it's our responsibility na palakihin sila at alagaan sila hanggang lumaki sila," dagdag pa ni John.

Inamin naman ni Isabel na may "lows" din sa kanilang relasyon.

"Yeah meron talaga. Sabi ko nga, it's not really perfect, we choose always love. And to forgive agad," anang aktres.

"Set ego aside... Si Liv [Isabel] talaga 'yung pinaka-forgiving na tao," pagpapatuloy ni John.

Ayon sa kanila, pinag-uusapan nila ang renewal ng kanilang vows. Si Isabel, gusto raw na kada limang taon.

Inihayag nila ang matamis na mensahe nila sa isa't isa kung sakaling gagawin na nila ito ngayon.

"Thank you. Kumbaga 'yung ilang years natin hindi naging perfect. But I'm always thankful and blessed that you stayed, na pinipili mo kaming mga anak. And thank you for supporting me dahil sa hirap ng mga ginagawa ko, especially when it comes with directing, mas nararamdaman kong nag-e-excel ako kasi nasa likod kita. At alam kong grabe ang suporta mo sa akin. I will always choose you, even sa next life," mensahe ni John kay Isabel.

"I know hindi talaga siya perfect, but let's just try to have a perfect story. Noong sinabi ko sa vows natin before na I will be forever na defender mo sa social media bashers, ganu'n pa rin hanggang ngayon. I'm always here for you. Hindi man tayo always happy, pero we choose love always. And thank you sa patience mo and sa love and sacrifice mo para sa amin, sa kids mo. I love you even sa next life," sabi ni Isabel.

Ikinasal sina Isabel at John sa Batangas noong 2015. -- FRJ, GMA Integrated News