Muling magtatambal sa isang digital series ang real-life Kapuso couple na sina Gabbi Garcia at Khalil Ramos. Ang aktres, may isa pang pinagkakaabalahan na tinawag niyang "passion project."

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, sinabi ng Sparkle stars na nagsimula na silang gawin ang proyekto.

“We’re actually currently shooting a digital series. We just started last week,” sabi ni Khalil.

“We can’t say at the moment kung ano ‘yung title, but it’s something that the both of us are very excited to do. It’s the first time we’re working again together after ‘Love You Stranger,’” dagdag ng aktor.

Una rito, bumida si Khalil sa “Simula sa Gitna,” na spin-off sa pelikulang “Hintayan ng Langit,” kasama naman si Gabbi sa series na "Unbreak My Heart," na collaboration ng GMA at ABS.

Bukod sa showbiz commitment, isa pang pinaghahandaan ni Gabbi ang nalalapit na pag-launch ng kaniyang bagong business.

"It's an eyewear and accessories brand na I'm very very excited about. Sobrang hands on dito. Pangalan pa lang very personal na to me. And I've been working on the small details... baby ko talaga ito. Para siyang passion project so excited ako dun," ayon sa aktres. -- FRJ, GMA Integrated News