Interesado kaya ang Kapuso actress na si Carla Abellana na makilala ang doktor na inirereto ni Kris Aquino, na posibleng "gumamot" sa kaniyang sugatan  "puso" matapos ang hiwalayan nila ng dating mister na si Tom Rodriguez?

Sa contract signing ni Carla bilang Kapuso nitong Lunes, inihayag ng aktres ang kasiyahan sa ginawang pagrereto sa kaniya ni Kris kahit pa may pinagdadaanang pagsubok sa kalusugan ang self-styled Queen of All Media.

“I find it amusing and at the same time nakaka-flatter kasi naiisip niya pa ako," sabi ni Carla nang hingan ng komento sa pagrereto ni Kris sa kaniya ng kaibigang doktor.

Ginawa ni Kris ang pagreto sa kaibigang doktor nang magkomento si Carla sa isa niyang post sa Instagram. Maraming followers ni Kris ang nag-like sa pagreto niya sa doktor.

"May ganoong nirereto siya, may suggestion siyang ganon. Ok naman. Nakakatuwa!” saad ni Carla patungkol sa ginawa ni Kris.

Itinuturing ni Carla na "compliment" ang ginawa ni Kris.

“In a way compliment pa nga ‘yon. Parang magandang gesture coming from her na meron siyang naiisip para sa akin,” sabi ng aktres.

Gayunman, wala pa raw muna sa isip ni Carla ang naturang bagay lalo na't malayo ang Amerika kung saan nagpapagamot si Kris.

“Medyo mahirap iyon kasi all the way sa US. Medyo natatakot pa po ako,” paglalahad ni Carla na aminadong natatawa rin kung minsan.

“Not that I don’t want to take her offer or not that I don’t trust her pero sa ngayon parang tatawanan ko na lang muna. Hindi ko muna i-e-explore yun,” paliwanag niya.

Nangyari ang pagreto ni Kris sa duktor nang magkomento si Carla sa post ng una nang magbigay ito ng update tungkol sa kaniyang kalusugan.

"Prayers for you, Ms. Kris," saad ni Carla sa post.

Tumugon si Kris sa komento ni Carla sa kaniya at sinabing, "If you’re already in the process of getting annulled we have a doctor friend based in OC who might be a great match."

Taong 2021 nang maghiwalay sina Carla at dati niyang asawa na si Tom Rodriguez. Nangyari ito ilan buwan pa lang matapos silang ikasal.

Noong June 2022, sinabi ni Tom na divorced na sila ni Carla.

Sa isang panayam noong February 2023 ni Boy Abunda, sinabi ni Carla na hindi na niya nakikita ang sarili na ikakasal muli.

Gayunman, hindi niya isinasara ang pinto na muling umibig.

Mapapanood si Carla sa GMA’s upcoming series na “Widow’s War” kasama si Bea Alonzo. — FRJ, GMA Integrated News