Nagbabalik sa Pilipinas si IU makalipas ang limang taon para sa Philippine leg ng kaniyang “H.E.R.” world tour.

Sa kaniyang Instagram, na makikita rin sa ulat ng Saksi, inanunsyo ng K-pop superstar na gaganapin ang concert niya sa Philippine Arena sa Bulacan sa Hunyo 1.

Sisimulan ni IU ang kaniyang tour sa Seoul, South Korea, at magtatanghal din sa Singapore, Japan, Taiwan, Indonesia, Hong Kong, Malaysia, Thailand, US and Europe.

Bukod dito, ire-release na rin sa susunod na linggo ang kaniyang comeback single na "Love Wins" kung saan tampok si V ng BTS.

Excited na rin ang Uaena o fans ni IU sa bago niyang album at upcoming drama.

Kilala si IU sa kaniyang mga kantang “Palette (feat. G-DRAGON),” “eight (Prod. & feat. SUGA of BTS),” “BBIBBI,” “LILAC,” “Blueming,” at marami pang iba.

Nakatakda rin siyang bumida sa upcoming drama na “Thank You for Your Hard Work” kasama si Park Bo Gum. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News