Hindi nakaligtas si Jillian Ward sa tanong kung totoong may co-star siya sa hit Kapuso afternoon series na "Abot-Kamay na Pangarap" na nanliligaw sa kaniya.

“Secret!," natatawang sabi ni Jillian sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules. "Pero basta kaming lahat po sa set ngayon, masaya po kaming lahat. Talagang full of love.”

Sinabi rin ng young actress na okey lang na magka-crush o magkagusto pero ang trabaho at pamilya raw ang pinaka-priority niya ngayon.

Nagkomento rin si Jillian sa mga napapaisip na netizens na nakakita sa maliit niyang baywang sa kaniyang social media posts.

“Ako po kasi, ‘pag nagda-diet ako, talagang lumiliit po ‘yung bewang ko. Pero siyempre, may mga days din na bloated." anang aktres.

"Pero ayun nga, para sa’kin, mas importante na po ngayon ‘yung healthy ako at tsaka, basta ayun, healthy and happy,” dagdag niya.

Inihayag din ng Sparkle star na marami pa silang magiging guest stars sa “Abot-Kamay na Pangarap” sa mga darating na episodes.

“Marami pa pong darating na mga artista na magge-guest,” saad niya.

Napapanood ang "Abot-Kamay Na Pangarap" tuwing Lunes hanggang Sabado sa ganap na 2:30 p.m. Kasama sa series sina Ken Chan, Carmina Villaroel, Richard Yap, Kazel Kinouchi, Pinky Amador, at marami pang iba.—FRJ, GMA Integrated News