Inihayag ni Janno Gibbs ang plano niya sa abo ng kaniyang namayapang ama na si Ronaldo Valdez. Kabilang dito na isaboy ang bahagi ng abo ng namayapang aktor sa lugar na pangarap sana nitong tumira.

Sa report ng PEP.ph, sinabi ni Janno na nasa pangangalaga ng kaniyang kapatid na si Melissa ang urn ng kanilang ama.

Sa 40th day ng kamatayan ng kanilang ama, plano ng pamilya na magdaos ng Misa.

Sinabi ni Janno, na nais niyang isaboy ang bahagi ng abo ng kaniyang ama sa Baguio City, na paboritong lugar ni Ronaldo.

"Gusto niyang tumira dun. 'Yun ang pangarap niya. Pangarap niyang tumira. 'Gusto ko talaga, sa Baguio na lang ako. Uuwi na lang ako pag may trabaho,' ganun. So, balak kong magkalat ng konti doon," ayon kay Janno.

Sinabi rin ng singer-actor na nag-iwan ng bilin ang kaniyang ama na hindi niya nito nais ng "viewing" sa kaniyang burol.

"Nag-post siya sa Facebook, e, ng parang goodbye, ganun-ganun. 'No viewing,' ganun," saad niya.

Hindi raw kaagad nalaman ng pamilya ang tungkol dito dahil hindi nila palaging binibisita ang Facebook account ng ama.

"I took it down. Nung nakuha ko 'yung phone niya, binaba ko na. Kasi, hindi maganda tingnan, e. Di ba? Pero nasulat niya dun na 'no viewing.' So, ni-respeto ko 'yun," sabi pa ni Janno.

Nang pumanaw noong Disyembre, nagkaroon ng dalawang araw na burol ang pamilya para sa abo ni Ronaldo. Ang mga kakilala na nagtanong lang kung puwede silang pumunta ang pinayagan.

"Ang mga pinapunta lang namin, 'yung mga nagtanong, 'Puwede ba kaming pumunta?' 'Sige.' Pero hindi na namin in-announce na you can visit, ganun. 'Yung mga nagtanong na lang, 'Puwede ba kaming pumunta?' 'OK,'" paliwanag niya.

Pumanaw sa edad na 76 si Ronaldo na kaniyang bahay sa Quezon City. —FRJ, GMA Integrated News