Ibinahagi ni Glaiza De Castro ang sikreto sa pundasyon ng pagsasama nila ng kaniyang asawa na si David Rainey.

Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Huwebes, hiningi ni Kokoy De Santos, fellow runner ni Glaiza sa “Running Man Philippines,” ang payo ng Kapuso actress para maiwasan ang pag-aaway ng magkarelasyon.

“Dapat ibaba ‘yung pride. ‘Yung sorry, ang simple niya na word pero ang hirap niyang sabihin kapag nag-aaway kayo. It takes a lot of courage and to admit na mali ka,” saad ni Glaiza.

Bukod dito, sinabi ni Glaiza na may mga kalakip pa na ibang sangkap ang pag-ibig na dapat tandaan.

“‘Yung love, ang dami niyang elemento, ang dami niyang puwedeng ilagay doon. Four-letter word siya, pero may responsibility, may patience doon, may perseverance, may respect,” patuloy ng aktres.

Tinanong ni Kokoy si Glaiza kung may hinahangad pa siya sa buhay mag-asawa nila ni David.

“Oo naman. Siyempre gusto naming bumuo ng sarili naming pamilya,” ani Glaiza patungkol sa pagkakaroon ng anak.

Ikinasal sina Glaiza at David noong Oktubre 2021 sa isang pribadong seremonya sa Northern Ireland. Muli rin silang nagpakasal sa Pilipinas.

Dati nang sinabi ni Glaiza na kasama sa plano nila ni David ang magkaroon ng mga anak pero nasa proseso pa raw sila ng "transitioning." -- FRJ, GMA Integrated News