Nasasaktan man noong una dahil sa pagtawag sa kaniya bilang si “Hipon Girl,” natanggap naman ito kalaunan ni Herlene Budol matapos mapatunayan sa sarili na isa siyang “Magandang Dilag.”

Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes, tinanong ni Tito Boy kung may sama ng loob si Herlene dahil tinatawag siya noong “Hipon Girl.”

“Noong una po oo. Parang hindi naman deserve ng tumawag sa akin ha?” sabi ni Herlene.

“Nagtatanong din ako sa sarili ko, ‘Ganoon ba ako kapangit?’” dagdag niya. “Pero lately po noong napagkakakitaan ko na siya, ‘Ay, I love ‘Hipon.'''

Mula sa pagiging isang beauconera, naging co-host si Herlene ng “Wowowin,” at naging first runner-up at may pito pang special awards sa pagsali niya sa Binibining Pilipinas 2022.

Kinoronahan din siyang Miss Tourism Philippines sa Miss Grand Philippines 2023, at bumida rin sa Kapuso series na “Magandang Dilag.”

“Tsaka ang natutunan ko rito noong tinatawag na akong ‘Magandang Dilag,’ doon ko naramdaman ulit ‘yung respeto,” sabi ni Herlene.

“Tapos ngayon, Hipon turned to ‘Magandang Dilag,’ na-boost ulit ‘yung confidence ko na, puwede palang magbago ang isang bagay,” pagpapatuloy niya.

Inilahad naman ni Tito Boy ang kaniyang sentimyento sa pagtawag kay Herlene bilang “Hipon Girl.”

“Hindi magandang pakinggan kasi ‘yung ‘hipon’ kasi itinatapon ang ulo. When I saw you I said ‘You are beautiful,’” sabi ng King of Talk.

“Yes she is!” pagsegundo ni Maxine Medina, na guest din sa programa. —VBL, GMA Integrated News