Sinabi ni Ruru Madrid na hindi niya inasahan na mararating kung nasaan man siya ngayon. Muli siyang bibida sa isang teleserye bilang si Elias Guerrero sa "Black Rider."

Bago mapanood ang pilot episode nitong Lunes sa GMA Telebabad sa ganap na 8 p.m., sumalang muna si Ruru sa "Fast Talk with Boy Abunda."

Ikinuwento ni Ruru kay Tito Boy kung paano niya ipinagdasal na maging isang artista.

“Hindi ko po inexpect na mararating ko po ‘yung kung nasaan ako…Hindi ko makakalimutan, nasa loob ako ng church at nangagarap lang ako na sabi ko, ‘Ama, sana maging artista po ako kasi gusto ko matulungan ang pamilya ko. Na kahit bata palang ako, gusto ko na sila matulungan,” ayon sa aktor.

Nagpapasalamat si Ruru, hindi lang sa pagkakatupad ng kaniyang pangarap na maging artista kundi maging sa lahat ng biyaya na kaniyang natatanggap.

“Before, ang pangarap ko maging artista, pero ngayon, Tito Boy, ang pangarap ko, I want to be remembered forever, na kahit wala na po ako sa mundong ito, meron akong maiiwan na mark sa mundong ito na ako ‘yung tao na hindi sumuko sa pangarap niya,” sabi niya.

Sa Instagram post, sinabi ni Ruru na bukod sa hustisya, ang "Black Rider" ay tungkol din sa pagsasakripisyo para sa pamilya at sa kanilang hinahangad.

“Dahil ang puso naman ng kwentong Pilipino at teleseryeng Pilipino ay sumesentro sa pagmamahal natin sa pamilya, na gagawin natin lahat para sa ating mga mahal sa buhay,” ayon sa aktor sa Instagram.

Kasama rin sa “Black Rider” sina Matteo Guidicelli, Kylie Padilla, Yassi Pressman, Katrina Halili, at marami pang iba.

Mapapanood si Elias Guerrero simula ngayong Lunes, pagkatapos ng "24 Oras." — FRJ, GMA Integrated News