Inihayag ni Bea Alonzo na wala talaga silang plano ng kaniyang fiancé na si Dominic Roque na isapubliko kaagad ang kanilang engagement. Ngunit dahil kumalat na sa social media ang kanilang mga larawan, inanunsyo na rin nila ito.

“Sa totoo lang dapat hindi talaga namin muna ia-announce. We wanted to savor it na kami muna, na kahit one month na kami lang ang nakakaalam. We wanted to keep it a secret na may kinakikiligan kami na kaming dalawa lang,” sabi ni Bea sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkoles.

"But then may nag-leak kasi na photos from the venue. And so we had to release the pictures, we had to announce right away. Kasi parang unfair naman kung sa ibang tao manggagaling ang announcement, so naunahan na namin,” pagpapatuloy ni Bea.

Ikinatuwa naman ni Bea na marami ang mga tao na nakisama sa kanilang kasiyahan sa nangyaring engagement nang dumalo sila ni Dominic sa GMA Gala.

Matapos nito, lumipad na sila pa-Singapore para sulitin ang oras nila sa isa’t isa.

“Para kaming nagliligawan ulit. Ganu’n pala ‘yun kapag may second phase, kapag may another chapter na nabubuksan, kilig na kilig kami sa isa’t isa,” anang Sparkle actress.

Ikinuwento ni Bea na pati mga kababayan sa Singapore ay natuwa sa kanilang engagement.

“Ang sweet kasi lahat ng mga Pilipinong nakakasalubong namin, sine-celebrate ‘Uy congratulations! Patingin ng ring.’ Ang cute na parang matagal na kaming magkakilala,” anang aktres.

Sinabi ni Bea na nawawala ang mga emosyon sa yugto ng mga relasyon, ngunit “chill” na ulit sila ngayon ni Dominic noong bumisita sila sa Europe.

“Pero mas real na, nag-aaway na kami ulit,” natatawa niyang sabi. “‘Yung small things lang naman. Nagkakainisan na kami ulit.”

Nangyari ang engagement nina Bea at Dominic nitong Hulyo sa Las Casas sa Bataan.--FRJ, GMA Integrated News