Magbabalik bilang Kapuso ang aktres na si Claudine Barretto at bibida sa isang primetime series.

Sa "Today's Talk" portion ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Huwebes, inihayag ng King of Talk na may pamagat na "Lovers & Liars" ang upcoming TV series ni Claudine.

Sinabi pa ni Tito Boy na magsisilbing television comeback ni Claudine ang naturang upcoming series na ipalalabas sa timeslot ng "Unbreak My Heart."

Hindi naman binanggit ang iba pang makakasama ni Claudine sa "Lovers & Liars," at kung kailangan ito ipalalabas.

Huling naging proyekto ni Claudine sa GMA Telebabad ang "Iglot" na ipinalabas noong 2011. -- FRJ, GMA Integrated News