Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Biyernes, sinabi ng King of Talk sa guest niyang si Thea Tolentino na itinuturing siyang lucky charm sa mga ginagawa niyang teleserye dahil mataas ang ratings.
Pero ayon kay Thea, hindi niya inaangkin ang pagiging “lucky charm” sa mga Kapuso series.
“Nadinig ko po pero hindi ko ino-own. May takot, hindi ko ma-explain. May takot when I think of owning it, feeling ko magiging mayabang ako,” mapagpakumbabang sabi ng aktres.
Bagaman mas nakikilala siya sa kaniyang pagiging kontrabida, sinabi ni Tito Boy na kayang tumawid ni Thea na maging bida.
Pero ayon kay Thea, nahihirapan siya na gumanap na bida na mabait.
"Feeling ko po hindi talaga ako mabait," natatawa niyang paliwanag. "Kasing parang 'yon 'yung kailangan kong matutunan kasi pakiramdam ko nalilimitahan ako kapag mabait ako."
Ikinuwento rin ni Thea kung paano siya nagsimula sa showbiz nang sumali siya sa Kapuso talent search na Protégé noong 2012.
“Very biglaan ‘yung naging pagsali ko sa audition, dahil gusto ko lang maghanap ng workshop,” kuwento ni Thea.
Nag-audition si Thea sa San Pablo, Laguna.
“Panglima ako sa pila. And then pagdating ko roon sa stage, kakanta dapat ako with my guitar, hindi ko natipa ‘yung gitara sa kaba,” sabi niya.
“Pinaakyat nila ako ng stage dalawang beses, iba-ibang talent. Nagawa ko na ‘yung scene so nu’ng pangalawa, ‘yung nanay ko gumawa ng script, tapos ‘yung ginawa niyang script dialogue, hindi man lang monologue,” natatawa niyang pag-alala.
“Mag-isa ako. Wala rin naman akong background sa acting no’n, so ginawa ko na lang din.”
Idineklara si Thea at Jeric Gonzales bilang mga winner ng second season ng naturang talent search.
Hindi raw inasahan ni Thea na mararating niya ang tagumpay sa showbiz.
“During the gala night ng Protégé, ine-expect ko na ako ‘yung uuwi kasi pakiramdam ko hindi ako nag-e-effort no’n, pero hindi ko nakikita na ang laki na pala ng self-improvement ko and nagfo-focus ako, nakikita ko ‘yung iba na ang talented nila tapos ako ang tahimik ko,” paliwanag ng aktres.
Pero bago hangarin na maging artista, sinabi ni Thea na minsan niyang naisip na gusto niyang maging madre noong bata pa siya.
“Actually dati naisip ko nga gusto kong mag-madre,” masayang pagbahagi Thea. “Meron po akong ninong na pari at madre na ninang, and then sabi ko parang ‘Ay ayokong magka-boyfriend.’ Bata pa po ako noon.” -- FRJ, GMA Integrated News