Mula sa pagtitinda noon sa isang simpleng pet shop, isa na ngayong milyonarya, may-ari ng malaking bahay sa Tagaytay, at namimigay ng pera at ibang premyo ang vlogger na si Rosemarie Tan Pamulaklakin o mas kilala na si “Rosmar.” Ano nga ba ang kuwento sa likod ng kaniyang tagumpay?
Sa programang “I Juander,” sinabing nag-umpisa lamang si Rosmar noon sa live selling ng dog foods sa dati niyang negosyong pet shop.
“Before pa man ako mag-social media, isa lang akong simpleng tao na mahilig magtinda nang magtinda. Kahit anong puwedeng pagkakitaan ibinibenta ko talaga. Pupunta ako ng Quiapo, Divisoria, kahit saan, minsan bumibili ako ng sako-sakong dog foods sa Cartimar tapos pasan-pasan ko ‘yun sa likod ko habang nag-aaral ako ng kolehiyo,” sabi ni Rosmar.
Nire-repack ang mga ito at makikipagkita sa kaniyang mga buyer sa LRT.
Nang mauso ang pagbebenta online, nagbenta na rin siya ng iba pang produkto. Dito napansin ng netizens ang galing ni Rosmar.
Matapos magkaroon ng online presence, pinasok na rin ni Rosmar ang vlogging, at ibinahagi ang kaniyang mga karanasan, challenge, at pamimigay ng mga papremyo sa kaniyang followers.
Bukod sa nakabili ng malaking bahay, may koleksyon din sila ng mga totoong mamahaling sasakyan. Dati kasi, mga laruan lang ang koleksyon ng kaniyang asawa.
Sa kabila nito, hindi nakaiwas si Rosmar sa ilang puna. Gayunman, mas mahalaga para sa kaniya ang pagtulong sa tao.
“Hindi naman daw lahat tinutulungan ko, hindi naman daw totoo ang pagtulong ko, marami pong ganiyan talaga. Pero tulad nga ng sabi ko, hangga’t may isang natutulungan, hangga’t may mga taong natutulungan na tunay na nangangailangan,” sabi ni Rosmar.
Tunghayan sa I Juander ang pasilip ni Rosmar sa kaniyang mala-mansyong tahanan, at ang pamamahagi niya ng kaniyang "mystery parcel" sa mga kababayan. Panoorin. -- FRJ, GMA Integrated News