Binalikan ni Faith Da Silva ang kaniyang karanasan noong makasama niya sa kakaibang "intimate dinner" ang Korean-American singer na si Eric Nam.


Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes, inalala ni Faith na nag-guest noon si Eric sa TiktoClock at si Faith ang naatasang mag-interview.

“After the taping, nakalimutan ko na. And then the next days, someone messaged me na they were inviting me to an intimate dinner with Eric Nam,” kuwento ni Faith.

“So parang ako talaga, ‘Oh my gosh! Totoo ba ito talaga? Kasi he’s an international superstar. And karamihan sa friends ko sinusuportahan talaga siya. Ako medyo hindi ko na naabutan,” ayon pa sa kaniya.

Nang mapakinggan at mapanood ni Faith ang mga kanta at video ni Eric, humanga siya rito.

“Nagulat talaga ako, kasi bakit naman ako ‘yung ii-invite for an intimate dinner?”

Ngunit pagdating sa event, hindi inaasahan ni Faith ang mga pangyayari.

“Pagdating ko roon, marami pala kami. Oo, madami kami,” sabi ni Faith, na napakamot na lang ng ulo.

“Akala ko talaga na parang, kami lang,” natatawa pa niyang sabi. “Wala naman kasi silang sinabi na event pala ito.”

“Ready ako sa mga questions na itatanong niya kasi magaling siyang mag-English, so alam ko na makakapag-usap kaming dalawa,” sabi ni Faith.

Katunayan, pinaghandaan pa ni Faith ang inaakala niyang intimate dinner niya kasama si Eric.

“‘My work has been good,’ ‘I am a singer, I host and I also act. How’s Korea?’ Pero, madami kami.”

“Masaya naman kasi I was able to meet new friends. Pero umasa ako,” natatawang sabi ng Kapuso actress.

Sa naturang August 2 episode ng TiktoClock, tinuruan ni Faith si Eric ng ilang dance moves.


--FRJ, GMA Integrated News