Inihayag ni EA Guzman ang sikreto nila ni Shaira Diaz sa matagal na nilang relasyon na 10 taon na ngayon.

“Ang suwerte ko nga kasi meron kaming ganitong relasyon ni Shaira. No pressure, kumbaga suportahan kami,” sabi ni EA sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkoles.

“Kahit nasa parehas kaming showbiz industry, suportahan kami,” pagpapatuloy ni EA.

BASAHIN: EA Guzman at Shaira Diaz, nagli-live in na nga ba?

Ayon pa kay EA, mahalaga na nirerespeto niya rin ang kaniyang nobya.

“Para sa akin, ‘yung ideal sa ideal is talagang irespeto mo ‘yung babae,” anang Kapuso actor.

Pag-amin ni EA, hindi maiiwasan ang pag-aaway sa relasyon, ngunit mahalaga na nag-uusap at inaayos agad.

BASAHIN: Shaira Diaz, isiniwalat ang aktres na pinagselosan niya noon kay EA Guzman

“Wala pong perpektong relasyon. Meron at merong mag-aaway, may darating at may darating na problema,” sabi niya.

Sa nakaraang panayam, sinabi ni EA na plano nila ni Shaira ang isang Church wedding kapag nagpasya na silang lumagay sa tahimik.--FRJ, GMA Integrated News