May nilinaw si Sugar Mercado tungkol sa pagkawala noon ng SexBomb Girls sa "Eat Bulaga" sa kabila ng kasikatan ng grupo.
Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Lunes, sinabi ni Sugar na hindi siya, at wala sa sino mang miyembro ng SexBomb ang dapat sisihin sa pagkawala ng grupo sa naturang noontime show.
"Hindi naman ako 'yung dahilan," ani Sugar. "Lahat kami walang kinalaman, tapos ako 'yung napagbintangan [kasi ako na lang 'yung naiwan]."
"Hindi nila matanggap kasi ako daw dahilan bakit sila nawala eh hindi naman po ako 'yung may-ari ng 'Eat Bulaga'," dagdag niya.
Ayon kay Sugar, natigil lang ang pamba-bash at paninisi sa kaniya nang magbigay na rin ng paliwanag si Jopay sa pagkawala ng grupo sa programa.
Sinabi naman ni Aira Bermudez na nananatiling maganda ang samahan ng SexBomb Girls at mayroon silang komunikasyon sa kanilang online group chats.
"Meron kaming mga group chat na talagang nag-uusap kami, sila Rochelle especially, nagkikita kami lagi," ani Aira.
Una rito, nagpaliwanag din si Rochelle na walang samaan ng loob ang grupo nang magpasya siyang maging solo artist.
Nito lang nakaraang Pebrero, nagkasama-sama ang SexBomb Girls para sa isang Netflix ad. —FRJ/KG, GMA Integrated News