Inihayag ni Dennis Trillo na hindi na niya iniisip na magloko o magpadala sa tukso ngayong mag-asawa na sila ni Jennylyn Mercado.

"Mahirap magkalamat 'yung tiwala ng isang tao, lalo na matagal mo siyang pinag-ingatan, kaya hindi ko na iniisip na magloko or ma-tempt man lang. Ako na mismo ang lumalayo talaga," sabi ni Dennis sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Biyernes.

Sumang-ayon si Dennis sa posibilidad na may magkagusto pa ring ibang tao sa bawat isa sa kanila ni Jennylyn ngunit mahalaga umanong umiwas sa tukso.

"Siyempre mga tao lang din naman tayo. Pero ang importante riyan, as long as meron kang respeto sa partner mo, hindi mo hahayaan na maging masama 'yung pangalan mo," saad niya.

Kaya naman ayaw isipin ni Dennis na magagagawa niyang pangaliwa o magtaksil.

"Ako kasi maingat ako sa tiwala ng tao. Ayokong isipin na may mangyayaring ganu'n sa relasyon naming dalawa kaya minamabuti ko rin na siguraduhin na palaging masaya 'yung asawa ko kahit na may mga anak na kami. Gusto ko maging maligaya pa rin siya, gusto ko kinikilig pa rin siya sa akin at sa mga ginagawa ko," saad ng Kapuso Drama King.

Umamin din si Dennis na seloso siya noon sa relasyon nila ni Jennylyn, ngunit "as you mature, naisip mo na basta magtiwala ka lang."

Inilahad ni Dennis kung paano niya pinakikilig ang kaniyang misis.

"Gusto ko lagi siyang masaya lahat. Lahat ng nagpapasaya sa kaniya ginagawa ko."

"Minamasahe ko siya, mahilig 'yun magpamasahe lalo na sa likod niya kapag matutulog na. Hindi 'yun makakatulog, hirap siyang matulog. Pero kapag hinimas ko na 'yung likod niya, mabilis na," dagdag pa ni Dennis.

Sa kabila ng kaniyang ginagawa para sa asawa, inihayag ni Dennis na hindi niya matutumbasan ang pag-aalagang ibinibigay sa kaniya ng aktres.

"Siya ang mas grabe mag-alaga, hindi ko maikukumpara ang pagaalaga niya sa akin. Siya 'yung talagang the best sa pag-aalaga. Sisiguraduhin niya na safe ka, sisiguraduhin niya na maayos ka, kumpleto lahat ng gamit mo. Siya pa 'yung madalas nag-aayos ng gamit ko minsan or madalas kapag may taping ako or out of town or out of the country."

Tinitiyak din nilang napag-uusapan nila ang kanilang mga pinagtatalunan.

"Hindi maiiwasan na hindi magtalo pero ang importante sa amin at siguro maganda sa aming dalawa, kapag meron kaming pinagtalunan, hindi puwedeng hindi pag-uusapan. Hindi puwede na palagpasin 'yun dahil once na ginawa mo 'yun maiipon at maiipon 'yung problema at mahirap na kapag sumabog ka na naipon 'yun lahat," sabi ni Dennis.

Naghiwalay sina Jennylyn at Dennis noong 2011, ngunit nagkabalikan noong 2015. Ikinasal sila noong 2021.

Mayroon na silang isang anak na si Dylan, na isinilang ni Jen noong 2022.-- FRJ, GMA Integrated News