Dahil kailangang patas ang pagbabalita kahit sa mga krimen, kinukuhanan din ni GMA Integrated News reporter John Consulta ng pahayag ang mga suspek. Paano nga ba niya nahihikayat ang mga ito na magsalita on-cam?
“One of the things that I also realized in covering crime stories, kailangan genuinely magkaroon ka rin ng sabihin nating drive to listen to the suspects,” sabi ni John sa sa podcast na “Surprise Guest with Pia Arcangel.”
Ayon kay John, host ng bagong programang "Pinoy Crime Stories," madalas na kinaiinisan ng mga tao ang mga suspek dahil sa krimen na sinasabing nagawa o kinasasangkutan nila.
Pero para kay John, dapat madinig pa rin ang panig at paliwanag ng mga suspek kung totoo ba ang paratang laban sa kanila para sa patas na pagbabalita.
Paliwanag ni John, “Mas nakikinig sila [suspek] kapag walang camera, kapag walang naka-record, walang nakatapat na cellphone.”
“Kaya every time na mayroon akong kaharap na subject, mas madalas gusto kong ako lang sana ‘yung kausap niya para walang distraction. I always give them three options,” saad pa niya.
Ipinapaliwanag ni John na may tatlong paraan kung paano sasagot ang suspek.
“First is totoo, aaminin, na talagang oo, totoo ‘yung sinasabi nila. Pangalawa deny, hindi totoo ‘yan, nasama lang ako dito o hindi ko alam ang sinasabi nila or whatever. And number 3, no comment,” paliwanag niya.
“I always remind them, ‘Alam niyo karapatan niyo po ‘yun, no comment. Dahil nu’ng kayo ay inaresto sinabi po ng law enforcer na may karapatan kang manahimik, lahat ng sasabihin mo ay puwedeng magamit laban sa ‘yo sa korte,’” ani John.
Sa kaniyang pakikinig sa suspek nang walang camera, sinabi ni John na tinitimbang din niya kung pinagsisisihan ba ng suspek ang nangyari o naninindigan na inosente sa krimen.
“So in the end, 95% napapapayag kong magpa-on cam,” sabi ni John kahit pa "no comment" ang sasabihin ng suspek basta nakuha ang kanilang panig.
Mapapanood ang "Pinoy Crime Stories" tuwing Sabado simula Setyembre 16, 4:45 pm sa GMA. Mayroon itong simulcast din ito sa Pinoy Hits at livestreaming sa GMA Public Affairs Youtube Channel at Facebook Pages ng GMA Public Affairs, GMA Network, at GMA Public Affairs Tiktok. -- FRJ, GMA Integrated News