Bago pa man makilala sa larangan ng pagbabalita ng mga krimen, inilahad ng GMA Integrated News reporter na si John Consulta na naging love adviser muna siya sa isang radio program.
Sa podcast na “Surprise Guest with Pia Arcangel,” ikinuwento ni John na mapalad siyang nabigyan ng programa tungkol sa pag-ibig noong makapasok siya sa isang radio station kahit on-the-job-trainee pa lang siya.
Bilang isang radio host, binabasa ni John ang mga ipinadalang sulat ng listeners, saka siya magbibigay ng love advice.
“Siyempre pero bago ‘yung advice magpe-play ka muna ng isang love song, ganu’n,” sabi ni John.
Inilahad ni John ang pinakamatinding love advice na ibinigay niya sa isang listener.
“Siguro there was a point na sabi ko, parang niloloko na siya, kasi masyado siyang forgiving eh, sabi ko na kinakailangan mahalin mo ang sarili mo, makipaghiwalay ka na,” kuwento ni John.
“Kasi karamihan doon sa mga sulat more of patawarin mo na, nag-e-effort naman siya, or kung minsan naman parang ikaw ‘yung baka nagkukulang, baka you can probably be creative in some other things and to show your care for the person,” pagpapatuloy niya.
“Pero ‘yung isang letter parang ‘Huh?’ Parang wala akong makitang bakas na mahal ka niya eh. Harap-harapang lokohan na,” sabi ni John.
Dahil dito, hindi na nagpaligoy-ligoy si John sa taong binibigyan niya ng payo.
“Hindi pa katapusan ng mundo na titigil mo ‘yung pagmamahal mo sa kaniya. If it doesn't work, your world will continue to turn ‘di ba? Sinunod naman niya,” patuloy ni John na host ng bagong programang “Pinoy Crime Stories.”
Sa kaniyang karanasan, may mga pagkakataong hindi sinusunod ng ilang listeners ang kaniyang payo.
“May matitigas ang ulo eh. May mga hindi sumunod. Halimbawa ang sabi nila, ‘Mahal ko siya eh,’” saad niya.
Hanggang sa nakatanggap ng tawag ang radio station na pinasukan si John mula sa isang TV station na nagkaka-interes sa kaniya na maging reporter.
Nagtrabaho si John sa ZOE TV ng apat hanggang limang taon, bago lumipat sa GMA Network kung saan nakilala siya pagbabalita tungkol sa mga krimen.
Ngayon, magiging host si John ng pinakabagong true-crime anthology ng GMA Public Affairs na “Pinoy Crime Stories,” na itinatampok ang mga matitindi at kontrobersiyal na mga krimen.
“May kasabihan sa English that the devil is in the details, andoon talaga ‘yung juicy part eh, lalo na ‘yung mga ito papakita natin ‘yung mga behind the scenes, ‘yung paano ba sinolved ‘yung krimen,” sabi ni John.
“This time, we will actually walk the extra mile, babalikan natin ‘yung stories ng krimen na talagang pinag-usapan, at saan ba nagsimula ito, ano ba ang kwento sa likod, sino ‘yung mga involved at papaano siya nasolved,” dagdag pa niya.
Mapapanood ang Pinoy Crime Stories tuwing Sabado simula Setyembre 16, 4:45 pm sa GMA. May simulcast din ito sa Pinoy Hits at livestreaming sa GMA Public Affairs Youtube Channel at Facebook Pages ng GMA Public Affairs, GMA Network, at GMA Public Affairs Tiktok. -- FRJ, GMA Integrated News