Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Miyerkoles, hindi kaagad nakasagot si Ken Chan nang tanungin siya kung “in love” siya ngayon.

Ibinato ng King of Talk ang naturang tanong kay Ken sa segment na "Fast Talk." Natawa rin aktor na hindi  siya kaagad nakasagot bago niya nasabi ang salitang, “medyo.”

Matapos ang naturang segment, binalikan ni Tito Boy ang nasabing tanong para makapagpaliwanag si Ken sa ibig niyang sabihin na "medyo" in love siya.

"I'm in love in so many different ways and in so many different things. It doesn't mean na tao 'yon. [Puwedeng] career, family, friends," paliwanag niya.

Gayunman, inamin ni Ken na mi-miss na niyang ma-in love talaga sa isang tao o sa special someone.

Sa nasabi rin panayam, sinabi ni Ken na masaya sa proyektong “Abot-Kamay Na Pangarap,” na ginagampanan niya ang role bilang si Dr. Lyndon Javier, isang neurosurgeon, at kasama sa ospital si Doc Analyn Santos, na ginagampanan ni Jillian Ward.

"Ngayon, nasabi ko na medyo [in love ako] because happy ako sa set, happy ako sa set ng 'Abot-Kamay Na Pangarap,'" pagpapatuloy niya.

Matatandaan sa isang guesting ni Ken sa “Fast Talk with Boy Abunda” noong Pebrero, inihayag niya na nahulog ang loob nila sa isa’t isa ni Rita Daniela.

Nangyari ito nang maging magka-loveteam sila sa maraming proyekto kabilang ang hit series na “My Special Tatay.”--FRJ, GMA Integrated News