Sa episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes, tinanong si Jean Garcia kung anong lesson ang natutunan niya sa kaniyang mga naging karelasyon, na inamin ang batikang aktres na marami.
“Ang natutunan ko, sa dami ng relasyon din na dinaanan ko, siguro number one is respeto talaga. Respeto at pagtanggap,” sabi ni Jean kay Tito Boy.
“Kapag pinili mong mahalin ang isang tao unahin mo ang respeto at unahin mong tanggapin muna ang lahat ng nasa kaniya. Kasi kapag nasa loob ka na ng relasyon, kahit gaano mo kamahal, kapag dumating ka pa rin sa point na ‘Ay hindi ko pala kayang tanggapin ‘yung ganito niya,’ maghihiwalay at maghihiwalay kayo. So ito, pagtanggap talaga,” pagpapatuloy niya.
Inihayag din ni Jean ang pinakamasayang parte ng pagiging isang single ay wala siyang ibang inaalagaan.
“Sarili mo lang [ang aalagaan mo] at mga tao lang na gusto mo talagang alagaan,” anang aktres.
Nang tanungin kung ano pinakagusto at pinakaayaw niya sa mga lalaki, tugon ni Jean, “Very childish at saka very matitigas ang mga ulo.
"O ‘yung mga nakilala ko, matitigas talaga ang mga ulo? Mahilig yata ako sa mga bad boys eh, kaya hindi naging successful,” sabi pa niya.
Gayunman, hinahangaan niya ang mga lalaki dahil ipinaglalaban nila ang mga taong mahal nila.
“The best in men. Kung talagang mahal ka, they will fight for you no matter what.”
Sa segment na Fast Talk, tinanong si Jean kung gaano siya kasaya ngayon, na sinagot niya ng "10."
Nang ipakompleto naman sa kaniya ang pangungusap na "Maging sino ka man," sabi ng aktres, "Maging sino ka man nandito lang ako, naghihintay. Sana dumating ka na sa lalong madaling panahon.
Kasama si Jean sa upcoming Kapuso series na “Maging Sino Ka Man,” na remake ng pelikulang pinagbidahan noon nina Sharon Cuneta at Senator Robin Padilla.
Pagbibidahan ito nina Barbie Forteza, na gumaganap bilang si Monique, at David Licauco bilang si Carding. Mapapanood na ang Maging Sino Ka Man sa Setyembre 11, sa GMA, GTV, I Heart Movies, at Pinoy Hits. -- FRJ, GMA Integrated News