Ikinuwento ni Jose Mari Chan na ang international artist na si Lea Salonga o kaya ay si Monique Wilson, ang makakasama niya dapat sa pag-awit ng kaniyang hit Christmas song na “Christmas in Our Hearts.”
Sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Biyernes, inalala ni Jose Mari na minsan niyang inimbitahan si Lea para makipag-duet sa kaniya.
“At that time, Lea Salonga was a hit because of ‘Miss Saigon.’ So I approached her and asked her if she would do a duet with me,” sabi niya. “And sabi niya, ‘Yes, I’d be glad to!’”
Nagustuhan umano ni Lea ang melody at ang lyrics, ngunit hindi natuloy ang kanilang collaboration dahil hindi pinayagan si Lea ng kaniyang recording company na mag-record para sa isang kakompitensiyang label.
Sunod na pinili ni Jose Mari si Monique Wilson, na understudy sa “Miss Saigon.”
“Unfortunately, that weekend, she went to Tagaytay…she lost her voice,” kuwento niya.
“I guess the Holy Spirit was leading me towards my daughter…And so, I went to my daughter’s bedroom,” sabi ni Jose Mari.
Tinanong ni Jose Mari ang anak niyang si Liza.
“Can you learn this song quickly? ‘Cause I’d like to record this with you.”
Nauna nang inilahad ni Jose Mari na bago pa man pumatok at palaging pinatutugtog sa pagpasok ng Ber months, hindi talaga para sa Pasko ang orihinal na himig ng "Christmas in Our Hearts."
Bago mabuo ang "Christmas in Our Hearts," gumawa muna siya ng himig para sa tula na sinulat ni Charie Cruz na pinamagatang “Ang Tubig ay Buhay.”
Hanggang sa noong 1990, hinikayat si Jose Mari Chan ng kaniyang producer na gumawa ng Christmas album. Doon niya muling naalala ang himig na nilikha niya para sa "Ang Tubig ay Buhay."
Kasama ang songwriter na si Rina Cañiza, binuo nila ni Jose Mari Chan ang lyrics ng "Christmas in Our Hearts." Matapos nito, ni-record niya ang kanta kasama ang anak niyang si Liz. -- FRJ, GMA Integrated News