Kilala ng publiko bilang batikang brodkaster si Mike Enriquez. Pero sa kanilang pamilya, siya si "Miki," ang paborito ng kanilang lola.
Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, sinabi ni Rose Enriquez Gutierrez, na si Mike ang paboritong panganay sa magkakapatid at magpipinsan.
"Lola's pet siya e, she used to call him miki. 'Miki! Kakain na!' Siya ‘yung unang tatawagin kasi pet eh pero kami ang unang tumatakbo. Bago kami paupuin, 'Si Miki?' That's Mike. Lahat ng titas ko, whoever will be able to watch this, siya 'yung favorite," sabi ni Rose.
“Bata pa siya he was the pride of the family, of my parents,” dagdag pa niya.
Paborito si Mike ng kaniyang mga magulang dahil hindi niya binibigo ang mga ito mula sa asal hanggang sa pag-aaral.
"My mom was sent to the principal's office dahil may ginagawa akong kalokohan," kuwento pa ni Rose. "Si Mike kasi sent to the principal's office to be awarded commendation, to be a leader of something. He excelled even from childhood."
Nagmula si Mike sa pamilya ng educators at professionals, dahil Vice Principal ng La Salle ang kaniyang lolo, guro ang kaniyang ina, at executive sa insurance company ang kaniyang ama.
Kaya mula elementarya hanggang kolehiyo, may dugo siyang La Salista.
"Siya ang anchor ko, he's my rock. We lost our parents few years ago, 10 years ago. Hindi ko naramdaman ito because he took over. Every time I cried he would say, 'Akong bahala sa 'yo. Ako ang bahala sa ‘yo. I got your back sis,’” emosyonal na sabi ni Rose.
Kakaiba rin si Mike bilang isang bata, na walang oras o hilig sa paglalaro, kundi mas naglalaan siya ng oras sa pagbabasa. Tinawag din siyang “The Little Drummerboy” ng kaniyang pamilya.
Kaibigan na ni Mike ang Franciscan na pari na si Fr. Esmeraldo Enalpe mula pa sa kinalakihan niyang lugar sa Santa Ana sa Maynila.
“Conservative community ang Santa Ana, so definitely and I’m very sure even ‘yung mga kaparian at parishioners will always remember him sa kaniyang pagiging simple,” sabi ni Father Esmeraldo.
Ayon kay Fr. Esmeraldo, ayaw ipaalam ni Mike na isa siya sa malalaking benefactor ng Simbahan.
“News blackout. Ayaw niyang ipaalam na nagdo-donate siya. Ayaw niya ng gano’n na nakabalandra ‘yung name niya,” sabi ni Fr. Esmeraldo.
Pumanaw si Mike Enriquez nitong Martes sa edad na 71. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News