Natupad na ni Kiray Celis ang kaniyang pangarap na makabili ng sarili niyang sasakyan.

Sa Star Bites report ni Aubrey Carampel sa Balitanghali nitong Biyernes, sinabi ni Kiray na inspirasyon niya ang bagong sasakyan para pagbutihin pa ang kaniyang trabaho.

Pag-amin ni Kiray, wala pa talaga sa plano niya ang bumili ng sasakyan, dahil masaya na sila ng kaniyang nobyo sa motorsiklo.

Ngunit nitong mga nakaraan, naisip ni Kiray na bumili dahil malayo na ang lokasyon ng taping sa show. Kaya sa pagkakataong ito, inuna niya muna ang sarili o self-love.

“Sabi ko nga, overdue na. I think it’s about time to fulfill my dreams. Isa sa mga pangarap ko talaga ‘yon,” sabi ni Kiray.

“Ito na muna, ito pa lang ‘yung parang kaya ko sa ngayon kasi marami pa akong gustong ibigay sa family ko,” dagdag pa niya.

“Dream come true! MY FIRST CAR!!!  Thank you, Lord!,” caption ni Kiray sa kaniyang Instagram post.

“Today ko matutupad 'yung isa sa pangarap ko. Excited ako kasi matagal ko tong ginusto kaso syempre inuna natin 'yung kailangan ng family, kailangan ng mga ibang tao,” sabi niya naman sa kaniyang video.

“And sabi ko, ang pinaka-least na pwede kong matulungan is 'yung self ko, but this time, I am spoiling myself. I am rewarding my hard work,” pagpapatuloy niya. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News