Balikan ang naging mga huling panayam sa "Imbestigador ng Bayan" na si Mike Enriquez na ibinahagi niya kung papaano siya aksidenteng napasok sa pagiging broadcaster, at kung papaano niya hinarap nang maluwag sa kaniyang kalooban ang kaniyang mga karamdaman.
Sa "Surprise Guest with Pia Arcangel" noong June 2022, ikinuwento ni Mike na posibleng naging pari siya kung hindi siya naging broadcaster.
Ginawa ang naturang panayam matapos na magbalik na si Mike sa trabaho makaraang mag-medical leave noong 2021 para sumailalim sa kidney transplant.
Sa naturang panayam ni Pia, sinabi ni Mike na pumasok siya noon sa seminaryo para maging pari. Ang pagiging malapit niya sa Diyos ay bunga ng pagiging lay minister at presidente ng choir ng kaniyang ama sa kanilang parokya.
"Ang sabi niya, ang buhay ng tao parang circle. Sa umpisa malapit ka sa Diyos, habang umuusad ang buhay mo, lumalayo ka dito sa pinanggalingan mo. Ngayon kapag tumatanda ka na, bumabalik ka ulit sa Diyos, sabi niya," sabi ni Mike.
"Ayun ang analogy niya sa buhay ng tao. Kaya nu'ng bata ako gusto kong maging pari. But actually ngayon kung tatanungin mo ako, I would not mind being a priest up to now," dagdag pa ng 24 Oras anchor.
Sabi pa ni Mike, pumasok siya sa Franciscan seminary at namalagi roon ng hindi lalampas ng isang taon.
"Ako dapat one week lang eh. Tapos noong patapos na, sabi ko roon sa parents ko, 'Ayaw ko nang umuwi.''
Gayunman, hindi pumayag ang kaniyang mga magulang na tumuloy ng seminaryo si Mike.
"Sinabihan ako ng Rector, superior, na 'You cannot stay because wala 'yung consent ng parents mo.' Ang hagulgol ko no'n, grabe," ani Mike.
Hindi pa rin nawala ang kaniyang pagiging madasalin, at maituturing niya ang kaniyang pinagdaanan bilang isang "spiritual journey."
"Dati na akong nagdadasal. Pero natuto akong lalo pang magdasal. So now, well, at least twice a day I pray silently, especially kapag papasok ako sa umaga, 'yung pasikat pa lang 'yung araw, kung minsan madilim pa. It's a good time to pray, huwag ka lang mawawalan ng concentration, baka maaksidente," ani Mike.
"At night, in the silence of my room. And then sometimes, in the middle of the day, bigla na lang akong napapadasal. Lahat ng dasal nag-uumpisa at nagtatapos sa pasasalamat. It's always 'Thank you, thank you, thank you!'"
Nagpaalala si Mike dapat laging magdasal, at hindi lang kung may kailangan ang isang tao.
"Lahat ng ito, at actually lahat ng meron tayo, pinahiram lang sa atin. And that's enough reason magpasalamat," payo ni Mike.
Aksidenteng naging brodkaster
Ikinuwento rin ni Mike na aksidente lang ang pagkakapasok niya sa broadcasting industry na naging buhay niya sa loob ng 50 taon.
Ani Mike, mayroon siyang kaibigan na isang announcer sa Manila Broadcasting sa Taft Avenue.
"One day tinawagan niya ako, sabi niya 'Hindi mo ba ako bibisitahin?' Sabi ko, 'Bakit maysakit ka ba?' Sabi niya 'Hindi, announcer na ako,'" sabi ni Mike.
Nang magkaroon ng pagkakataon, binisita niya ang kaibigan sa pinagtatrabahuhan nito. Nang araw na iyon, nalaman niya na kulang ng dalawang announcer sa opisina dahil naka-leave ang isa, habang suspindido ang isa pa.
"Sabi nung classmate ko all of a sudden, sabi niya 'Mike is applying for a job,' sabi ko, 'Of course not.' 'Yeah, yeah, he is applying to be a announcer,' sabi nung kaibigan ko. Ito namang si manager, desperado rin magkaroon ng reliever, sabi niya, 'Oh why don't you try, nothing to lose,'" balik-tanaw ni Mike.
"Eh 19-years-old 'di ba, nothing to lose, full time student, sabi ko, 'What should I do?' Sabi niya, 'Read the newspaper.' Manila Bulletin dati 'yun e ... It was an item about the elections," patuloy niya.
Hindi raw nakaramdam ng kaba si Mike nang sandaling iyon dahil hindi naman talaga siya nag-apply sa trabaho. Sinabihan siya na basahin niya ang pahayagan kahit sa anong paraan na gusto niya.
"Binasa ko, tapos at the end tinanong niya ako, 'When can you start?' Oh e siyempre ako naman si loko, adventurous, curious, so sabi ko tomorrow," ani Mike. "So the next day I was there 8:00 and then rest is, well, here we are."
Pagtanggap sa pagsubok
Sa isa namang panayam sa kaniyang programang Imbestigador noong December 2020, inihayag ni Mike kung papaano niya tinanggap ang pagsubok sa kaniyang buhay matapos niyang malaman ang kaniyang mga sakit noong 2018 na dahilan para mag-medical leave din siya.
Ginawa ang naturang panayam matapos na magbalik na rin siya sa trabaho.
Ayon kay Mike, nang panahong iyon, iyon ang unang pagkakataon sa kaniyang buhay na nagpadala siya sa ospital dahil hindi na siya makahinga.
Doon na nalaman ang mga komplikasyon sa kaniyang sakit sa baga at bato. Nalaman din na may bara ang ugat sa kaniyang puso.
Ngunit sa kabila ng lahat, sinabi ni Mike na maluwag sa kalooban niyang tinanggap ang mga ito dahil na rin sa mga natanggap niya pangaral sa mga pari at kaniyang mga magulang.
"Kung ano ang pinadala at ibinigay ng Panginoon, tanggapin. So tinanggap ko, sabay hingi ng tulong. Kapag nilabanan mo, magiging miserable ka lang," saad niya.
Sa tagal niya sa industriya na umabot ng mahigit 25 taon siya sa GMA, sinabi ni Mike na wala siyang sikreto para tumagal sa propesyon.
"Walang sikreto. Basta mahalin mo lang ang propesyon mo. Huwag kayong papasok sa isang propesyon na hindi niyo mahal," payo niya.
Nitong Martes, pumanaw na si Mike sa edad na 71. Hanggang sa muli, Mr. Imbestigador ng Bayan. Maraming salamat. --FRJ, GMA News