Si Rey Valera ang gumawa at umawit ng OPM classic hit song na “Ako Si Superman.” Pero kuwento ni Rey, ginawa talaga niya ang kanta para sana sa idol niyang si Rico J. Puno.

“Ginawa ko po ‘yan para kay Rico Puno. Really, honestly. Idol namin siya noon,” sabi ni Rey sa “Fast Talk with Boy Abunda.”

“Nakita ko siya sa TV, siya ang nagpauso ng pangit sa Pilipinas eh. Kapag nakita mo siya sa TV, sabi ko ‘Kung puwede na itong mukha na ito, puwede na rin ako,’” biro ni Rey, na isa ring OPM hitmaker at kaibigan ni Rico.

Ngunit tinanggihan umano ni Rico ang naturang kanta, at sinabi ni Rey na inamin ito sa kaniya ni Rico.

“Pumunta ako sa Raon, in-apply ko ‘yung kantang ito. Hindi ko alam, tinanggihan niya pala, kaya naman sa akin napunta ‘yung kanta na ‘yan. Dahil ang sabi, puno na raw ang album ni Rico Puno,” kuwento ni Rey.

Bumagay naman sa boses ni Rey ang awitin at naging super hit ang "Ako Si Superman."

Hanggang sa dumating ang pagkakataon na nagkita sila ni Rico, at doon umamin umano ng huli na talagang tinanggihan niya ang kanta.

“Ang sabi niya kasi na kaya niya raw tinanggihan dahil mayabang na siya tapos Superman pa. Kaya lang there was this one time na bago siya mamatay, ang sabi niya, kung kantahin namin ‘yan,” kuwento pa ni Rey.

“Talagang ini-insist niya na kantahin niya ‘yan. Nag-duet kami tapos tuwang-tuwa siya, sabi niya ‘Bagay pala sa akin ‘no?’ Sabi ko ‘Oo, talagang ginawa ko ‘yan para sa ‘yo eh,” sabi pa ni Rey.

Ikinuwento ni Rey na ang pagkanta nila ni Rico ng naturang awitin ang isa sa mga huling alaala niya tungkol sa namayapang OPM icon.

Inilahad ni Rey ang nami-miss niya kay Rico, na pumanaw noong Oktubre 2018 dahil sa "heart" related condition sa edad na 65.

“Bully ‘yun eh, pero nami-miss mo ‘yung mga wisdom niya na galing sa kalsada, street-wise. Marami kang mapupulot sa kaniya. Akala mo puro kalokohan ‘yun pero, iba,” ayon kay Rey.

“Kaya masasabi ko masuwerte ako, tayo, buhay pa tayo eh. Pero marami na akong kaibigan, kakilala na wala na ngayon,” dagdag niya. --FRJ, GMA Integrated News