Pumanaw na ang master impersonator, satirist at comedian na si Willie Nepomuceno sa edad 75.
Ito ang naging anunsyo sa kaniyang official Facebook page.
“To our family, loved ones, and friends, it is with deep sadness and heavy heart to announce the passing of our beloved father, WILLIE NEPOMUCENO on July 26, 2023, at the age of 75. He has peacefully joined our creator," saad sa post.
Ayon sa kaniyang pamilya, iaanunsyo nila ang detalye ng kaniyang lamay, kasabay ng paghingi nila ng panalangin para kay Willie.
Sa isang pahayag naman sa GMA News Online, sinabi ng anak ni Willie na si Willie Wilsson Nepomuceno na isinugod ang kaniyang ama sa emergency room ng Marikina Valley Medical Center nitong Lunes ng umaga matapos mahulog sa kama at tumama ang kaniyang ulo sa sahig.
“CT Scan showed he had subdural hematoma. On that same day, he underwent craniotomy to evacuate the hematoma and relieve pressure to his brain," ayon sa nakababatang Napomuceno.
Matapos ang operasyon, naging stable ang vital signs ni Willie ngunit na-comatose pa rin siya. Sa sumunod na araw, humina na ang kaniyang vitals at nakita sa CT scan na muling nagkaroon ng hematoma at mga bagong pagdurugo.
Noong Martes ng hapon, itinuring na brain dead si Willie at nilagyan ng respirator. Pagsapit ng 8 p.m., mas lalo pang nanghina ang kaniyang vitals.
“By 6:17 am this morning, sadly he left us na. Nabigla lang talaga kami lahat,” sabi pa ng anak.
"Farewell, Tatay. Though it's incredibly hard to say goodbye, I am grateful for the time we had together. Your love, guidance, and presence in my life have shaped me into the person I am today,” sabi ni Willie Wilsson sa isang hiwalay na post sa kaniyang sariling Facebook account.
“Your legacy will forever be engraved in my heart. Rest well, knowing that you are deeply loved and missed," saad pa niya.
Kilala rin si Willie bilang si Willie Nep, na isa sa mga haligi ng Philippine entertainment. Sumikat siya sa kaniyang satirical impersonations ng mga personalidad sa pulitika, gaya nina dating pangulong Ferdinand Marcos Sr., Fidel V. Ramos, Joseph Estrada, Benigno “Noynoy” Aquino III, at Rodrigo Duterte. --FRJ, GMA Integrated News