Nagpasalamat ang "Eat Bulaga" hosts na sina Isko Moreno at Paolo Contis sa mga manonood dahil sa pagtaas ng ratings ng kanilang noontime show sa  GMA 7.

Makikita sa ulat ni Nelson Canlas sa "24 Oras" nitong Huwebes, na nakapagtala noong July 19 ng 4.0 rating ang "Eat Bulaga," batay sa overnight data mula sa Nielsen.

Habang ang mga katapat nitong programa na "It's Showtime" ay mayroong 3.3 rating, habang 3.0 naman ang "E.A.T."

Ayon kay Isko, na pumirma nitong Huwebes ng kontrata sa Sparkle GMA Artist Center, patuloy silang maghahatid ng mga kasama niya sa Eat Bulaga ng tulong at saya sa mga manonood.

"Hindi n'yo kami iniwanan, ngayon ginawa n'yo pa kaming number one sa puso ninyo," masayang sabi ni Yorme.

"So basta ang sukli namin araw-araw, gusto namin masaya lang ang inyong afternoon habang kayo'y nanananghalian kasama namin kayo sa 'Eat Bulaga,'" dagdag pa ng dating mayor ng Maynila.

Hindi rin nakalimutan ni Paolo na magpasalamat sa patuloy na suporta sa kanila ng Kapuso viewers.

"Asahan n'yo po ipagpapatuloy pa namin ang tulong at saya at lalo pa naming pagbubutihin. Malaking-malaking inspirasyon po ito para sa amin sobrang saya po ng grupo and I would like to congratulate the whole team," ani Paolo.

Kabilang pa sa mga bagong host ng Eat Bulaga sina  Buboy Villar, Betong Sumaya, Cassy Legaspi, Mavy Legaspi at Alexa Miro.—FRJ, GMA Integrated News