Sa dami na nang nasampal ni Pinky Amador sa mga eksena, alam na raw niya kung papaano manampal nang hindi tumatama ang kaniyang kamay. Pero may pagkakataon daw na ang mismong co-actor niya ang humihiling ng totoong sampal gaya nang nangyari sa isang eksena nila ni Jillian Ward sa Kapuso hit series na 'Abot Kamay na Pangarap'
Sa video ng Kapuso Showbiz News, sinabi ni Pinky na gumaganap bilang si Moira Tanyag sa kanilang afternoon series na walang tamaan sa mukha ang mga sampalan nila nina Dina Bonnevie at Carmina Villaroel.
Itinuro pa ni Pinky na kung kailangang patamaan ng sampal ang ka-eksena, daliri lang ang dapat umabot sa mukha.
"Ang pananampal mo yung fingers mo 'wag mong papaabot sa palm. Para ito lang, dampi lang kumbaga," paliwanag niya.
Kung kailangan naman na may tunog, dapat umabot sa kalahati ng palad.
Pero ayon sa batikang aktres, may pagkakataon na may mga kasamahan silang artista ang humihiling ng talagang sampal sa eksena dahil kailangan nila.
Ikinuwento ni Pinky na nangyari ito sa kanila ni Jillian, o Dra. Analyn Santos sa serye, nang kunan ang eksena nila sa umaga.
Pero dahil halos wala umanong tulog noon si Jillian, nakakatulog na ang young actress nang kukunan na ang eksena nila.
"Kaya nung time na darating na siya... sasampalin ko, pak!, hindi nasasabi ni Jillian ang dialogue niya," kuwento ni Pinky.
Si Jillian umano ang nag-request mismo na patamaan na talaga siya ng sampal.
At nang gawin umano ang totoong sampal, sinabi ni Pinky na dire-diretso ang dialogue ni Jillian na may kasama pang buhos ng luha, at walang nakalimutang linya.
Napapanood ang naturang Kapuso top rated series mula Lunes hanggang Sabado, pagkatapos ng "Eat Bulaga."--FRJ, GMA Integrated News