Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Miyerkules, tinanong ang singer-TV host na si K Brosas kung isinasara na nga niya ang kaniyang puso sa pag-ibig.

“Are you closing your doors?” tanong ni Tito Boy kay K patungkol sa love life matapos sabihin ng mang-aawit na masaya na siya sa pagiging single.

“No,” sagot naman ng mang-aawit.

“Nandoon lang ako sa, okay na ako. Kasi okay naman talaga ako as single. Lagi kong sinasabi na hindi ko naman kailangan ng lalaki to define me,” paliwanag niya.

Dagdag pa ni K, kaya niyang mabuhay na walang partner na lalaki, at hindi siya naniniwalang may isang tao na darating para kompletuhin siya.

“Ano ka puzzle? Hindi ka naman puzzle. Leggo?” biro ni K. “Pero kapag ibinigay ni Lord, why not. Pero ayoko ng pilit.”

Sa Fast Talk segment, sinabi ni K na siya ay isang “giver,” at pipipiliin niya ang isang taong mas mahal siya dapat.

Kung ihahambing naman sa kulay ng traffic light ang kaniyang puso, sinabi ni K na naka-“red” ito ngayon.

“Red. Tapos minsan yellow. Magulo siya. Pero definitely hindi go,” sabi ni K. “Pero hindi po ako naghahanap. Kung darating siya, darating din. Pero kapag hindi, okay na ako.” -- FRJ, GMA Integrated News