Inihayag ni Jessa Zaragoza sa "Fast Talk with Boy Abunda" na kaya niyang maging "confrontational” kapag may umaali-aligid sa kaniyang mister na si Dingdong Avanzado.

Sa nasabing episode ng programa ni Tito Boy nitong Martes, sinabi ni Jessa na prangka siyang tao at kaya niyang maging "confrontational" pero sa kakaibang paraan.

"Dumating ‘yan siguro earlier part ng relationship namin. Pero ako hindi ako nang-aaway,” paliwanag ni Jessa, na kilala sa mababang timbre niya ng boses gaya sa awitin niyang “Bakit Pa.”

“Pero ako kasi kapag nagagalit ako, lalong bumababa ang boses ko. Hindi ako sumisigaw. Pero ipaparinig ko sa ‘yo ang galit ko,” pagpapatuloy ng singer-actress.

Si Dingdong, proud na sinabing hindi siya binigyan ni Jessa ng dahilan para magselos.

“Ang pinagseselosan ko, minsan ang telepono niya. Kasi ‘yun ang times na… Pero alam ko naman na, minsan work eh. Pero there are times na doon siya pre-occupied. Pero I understand,” anang singer-actor.

Kahit 22 taon nang kasal, sinabi ni Jessa na may matutuklasan pa rin siya tungkol kay Dingdong.

“Na kahit pala ganoon kayo katagal mag-asawa, marami pa rin kayong madi-discover sa isa’t isa. Marami ka pa ring matututunan sa kaniya na akala mo alam na alam mo pero hindi pa pala lahat,” sabi ni Jessa.

Ibinahagi naman ni Dingdong ang hindi pa alam ng mga tao tungkol kay Jessa.

“Jessa is so funny, she is so hilarious. When we were starting out she was not like that. Iba ang tingin ko sa kaniya but as the years progress…” sabi ni Dingdong.

“Noong napapanood ko siya, ‘yung natural ano lang niya. ‘Di ba si Jesssa sexy, the aura that she exudes. Pero sa bahay sobrang kalog niya tsaka ‘yung antics, expressions niya,” pagbabahagi pa ni Dingdong.

Ipinagmamalaki naman ni Jessa na “savage” ang kaniyang comedy.

“Sasabihin ko talaga ‘yung hindi kayang sabihin ng ibang tao,” sabi ni Jessa.

Ibinahagi nina Jessa at Dingdong ang kanilang sikreto kung paano nila napananatili ang “init” ng kanilang pagmamahal.

“It’s very important na hindi mo lang siya mahal, dapat you like him. Ako, I really like him,” sabi ni Jessa.

“Dapat, hindi predictable ‘yung araw niyo. Kapag nagiging monotonous na that’s where boredom kicks in, we need to change things up a bit,” sabi ni Dingdong. --FRJ, GMA Integrated News