Susundan na ni Atasha Muhlach ang yapak sa showbiz ng kaniyang mga magulang na sina Aga Muhlach at Charlene Gonzalez.

Sa video ng Kapuso Showbiz News, sinabi ni Atasha na bata pa lang siya ay gusto na niyang umarte, kumanta o mag-perform nang gawin niya ang "Sound of Music."

Gayunman, naisip umano ni Atasha na bigyan ng prayoridad ang kaniyang pag-aaral, na ipinangako niya sa kaniyang mga magulang at sa sarili na rin.

Nag-aral ng kolehiyo sa United Kingdom ang 22-anyos na si Atasha at nakatakda na siyang magtapos ngayong taon.

Hindi naman ikinukonsidera ni Atasha na disavantage ang pagkakaroon ng celebrity parent. Katunayan, nakatutulong umano ito para makahingi siya ng payo dahil matagal na sa industriya ang kaniyang mga magulang.

"Be yourself, always be kind, always be respectful and always take any opportunity given," saad ni Atasha sa natanggap niya payo mula sa kaniyang mga magulang.

Sa episode ng "Fast Talk With Boy Abunda" nitong Lunes, sinabi ng King of Talk na ang Viva Artists Agency ang namamahala sa career ni Atasha.

Nag-post din si Charlene ng updates sa Instagram ng larawan ng contract signing ng kaniyang anak.

"We knew that Entertainment was something you always dreamed of and will be part of you someday. Now that you are finished with your studies. You can now fully chase your dreams," anang dating beauty queen.

"Your dad and mom's first movie was done with Viva Films and soon your first movie will be with Viva films as well. To see you continue and start your career with them gives us the utmost joy," dagdag ni Charlene.

Ayon kay Tito Boy, sinabi ni Atasha sa press conference na nais niyang subukan ang iba't ibang bagay kabilang na ang sundin din ang yapak ng kaniyang ina sa pageantry.

Nanalo noong 1994 si Charlene sa Binibining Pilipinas pageant at siya ang naging kinatawan ng Pilipinas sa Miss Universe pageant kung saan nakapasok siya sa top 6.

May kakambal na kapatid si Atasha na si Andres.—FRJ, GMA Integrated News