Sa kauna-unahang pagkakataon, sumalang sa podcast ng GMA showbiz reporter na si Nelson Canlas ang Unkabogable Star na si Vice Ganda.

Sa "Updated with Nelson Canlas," kinumusta ni Nelson ang buhay may-asawa ni Vice kay Ion Perez.

"Masaya naman," ayon sa comedian-host. "Masayang-masaya ako ngayon. Ibang klase 'yung joy na mayroon ako ngayon."

Sabi pa ng "It's Showtime" host," kung dati ay "happy" siya, ngayon ay "joyful" ang kaniyang nararamdaman.

Mas malalim na rin umano ang kahulugan ng relasyon nila ni Ion.

"Mas hindi siya superficial, mas malalim siya. 'Yung sayang binibitbit mo tapos hinahanap-hanap mo, ganu'n siya kalalim," ani Vice.

"Atsaka iyon 'yong ipinagdasal ko, 'yong nararamdaman ko ngayon atsaka ito 'yong estado ng buhay ko na gustong-gusto ko," patuloy niya. "Malalim 'yong kasiyahan ko."

Noong 2021, sumailalim sina Vice at Ion sa isang commitment ceremony, isang non-legal wedding na ginawa sa The Little Vegas Chapel sa Nevada, USA.

Nitong nakaraang Sabado, pasabog ang naging production nina Vice at mga co-host niya sa paglipat ng "It's Showtime" sa GTV.—FRJ, GMA Integrated News