Inihayag ni Billy Crawford ang kaniyang tuwa nang malaman niyang nakatagpo ng bagong tahanan sa GTV ng Kapuso Network ang “It’s Showtime,” kung saan dati rin siyang naging co-host, at ang asawa niyang si Coleen Garcia.

“Sa totoo lang nakakatawa, noong nakita ko ang balita, wala pa ako dito sa Pilipinas. Nasa Paris ako at that time, pagbukas ko, nakita ko nga kung ano ‘yung nangyayari sa industriya,” sabi ni Billy sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes.

Tinutukoy ni Billy ang naging pamamalagi niya sa France para sa “Dancing with the Stars,” kung saan siya ang nagwagi sa latest season nito.

“You know what my honest opinion and my feeling towards this? I’m so happy. I started with Showtime, in noontime. I met my wife, I started my family through this show," ani Billy.

"I’m so happy na kahit paano they are still not being left behind, there is still a home for them kahit paano, and it’s the same thing that GMA did for me. They welcomed me back kahit paano,” patuloy niya.

Ayon kay Billy, excited na siya para sa Philippine television na tila may bagong simula.

“So it’s a new beginning and I’m very excited for Philippine TV,” anang TV host-actor na isa sa mga coach sa "The Voice Generations" na mapapanood sa GMA 7.

Asahan ang malaking sorpresa sa unang paglabas ng "It's Showtime" sa GTV ng GMA sa Sabado, July 1, 2023.

Nitong Miyerkoles, pormal nang isinara ang kasunduan sa pamamagitan ng contract signing kaugnay sa pag-ere ng "It's Showtime" ng ABS-CBN sa GTV Channel 27 ng GMA Network.

Mapapanood simula sa Sabado ang "It's Showtime" sa GTV sa ganap na 11:30 am, at matutunghayan ito mula Lunes hanggang Sabado pagsapit ng tanghali.--FRJ, GMA Integrated News