Ang pagkakadamay ng kaniyang pamilya at nagiging puntirya na rin ng bashers ang isa sa mga dahilan kaya nagsalita na si Ricci Rivero tungkol sa paghihiwalay nila ni Andrea Brillantes.

Sa ikalawang bahagi ng panayam sa "Fast Talk with Boy Abunda" na ipinalabas nitong Martes, humingi ng paumanhin si Ricci sa kaniyang mga magulang at sa mga kapatid na nadadamay sa isyu.

“Mom, dad, my brothers, my closest friends, na alam niyo naman pati kayo nadadamay. Ako sobrang thankful ako for you guys kasi kayo ‘yung nagiging matatag para sa akin, para sa ating lahat," anang basketbolista.

"Puwede tayong pumatol, puwede tayong magsalita, pero dahil sinabi kong hindi, may usapan tayo, gusto kong i-honor ‘yung usapan na hindi ako magsasalita. Pero para sa akin, kailangan ko na rin siguro kayong protektahan, kailangan ko nang magsalita for all of us kasi ang dami nang nadadamay,” patuloy niya.

Nakiusap din si Ricci sa bashers na huwag nang mandamay ng mga taong labas sa isyu lalo na't hindi nila alam ang buong pangyayari.

"Sana naman ‘yung mga ganitong issues, especially if you guys don’t know the whole story, especially both sides... If hindi niyo naman alam ang buong story, huwag na lang kayong mandamay ng mga labas roon sa issue,” mensahe niya sa mga basher.

Ayon kay Ricci, inaakusahan siya ng pangchi-cheat at maging ang kaniyang pamilya ay nasasabihan nito.

Iginiit ng binata sa unang bahagi ng interview na hindi niya ginamit bilang "trophy GF" si Andrea o para sumikat.

“Sa akin Tito Boy, sobrang genuine lang ng lahat eh, wala sa isip ko ‘yung mga ganiyang bagay. Minsan na lang akong mag-girlfriend, bakit sa ganiyang paraan ko pa gagawin?”

Sa halip na mainsulto, naaawa raw si Ricci sa mga nagsasabing ginamit niya bilang “trophy girlfriend” si Andrea.

“Hindi sa naiinsulto ako, parang naaawa ako sa mga nagsasabi noon, kasi alam niyo ‘yung mga wala na sigurong masabing tama or what? Kasi if you’re gonna look at kung sino man ang mga nakakasama namin, kung may naririnig man silang totoong nangyayari sa amin, malalaman niyo na genuine lang talaga lahat,” saad niya. --FRJ, GMA Integrated News