Sinagot ng basketbolistang si Ricci Rivero ang mga isyung ipinupukol sa kaniya gaya ng umano'y ginawa niya "trophy GF" si Andrea Brillantes para siya sumikat at mayroon siyang gay boyfriend.

Sa episode ng "Fast Talk With Boy Abunda" nitong Lunes, sinabi ni Ricci na hindi niya trinatong "trophy girlfriend" ang aktres.

Hindi rin umano niya ginamit si Andrea para sumikat siya. Katunayan, may mga proyekto pa umanong iniaalok sa kaniya kasama ang aktres pero tinanggihan niya ang mga ito.

"Simula po nung naging kami never po akong nag-yes, lahat po nag-beg off ako," saad niya. "Kasi ayoko ko rin naman pong i-connect 'yung trabaho sa personal relationship ko."

"Sa 'kin sobrang genuine lang lahat eh," dagdag ng binata. "Wala sa isip ko 'yung mga ganyang bagay kasi parang minsan na lang ako mag-girlfriend 'di ba, bakit sa ganyang paraan ko pa naman gagawin."

Pinabulaanan din ni Ricci ang mga tsismis na mayroon siyang gay boyfriend.

Ayon kay Ricci, mataas ang respeto niya sa LGBTQIA+ community, at napapaligiran daw siya ng maraming miyembro nito sa kaniyang showbiz at basketball career.

"Madami po talagang ni-lolook up in a way na 'yung personality nila, the way they carry themselves, na alam ko po na mataas 'yung respeto namin sa isa't isa, sa kanilang lahat, na hindi naman po aabot sa romantic relationship," ani Ricci, na sinabi ring "straight" siyang lalaki.

Sa naturang panayam, itinanggi rin ni Ricci na may relasyon sila ng dating beauty queen at konsehala na si Leren Mae Bautista, na hinihinala ng iba na third party sa breakup nila ni Andrea.—FRJ, GMA Integrated News