Inihayag ni GMA Network chairman and CEO Felipe L. Gozon na isang malaking contract signing event ang magaganap sa "It's Showtime" para sa bago nitong tahanan na GTV.

Sa segment na "Today's Talk" ng programang "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Martes, ipinaabot ang pahayag ni Gozon tungkol sa paglipat ng "It's Showtime" sa sister TV station ng GMA na GTV na magsisimula sa July 1.

"We are happy to provide a home to 'It's Showtime,'" ani Gozon. "We will have a big contract signing event soon."

Una rito, inihayag ng GTV na mapapanood na ang "It's Showtime" ng ABS-CBN sa naturang channel simula sa July 1, mula Lunes hanggang Sabado, sa ganap ng 12 ng tanghali.

Bago ang naturang anunsyo, nagkaroon muna ng teaser sa social media ang GTV, pati na ang host ng "It's Showtime" na si Vice Ganda, tungkol sa pagiging bagong tahanan ng programa.

Ang GTV (Good Television) Channel 27, ay free-to-air television network na pag-aari din ng GMA Network.

Kabilang sa mga napapanood dito ang newscast na "Balitanghali," at mga programang "Dapat Alam Mo!," "Farm to Table," at iba pa gaya ng NCAA games. —FRJ, GMA Integrated News