Single ngayon si Ashley Ortega, at inilahad niya ang mga katangian na hanap niya sa lalaki, kabilang ang pagiging “bad boy” nito pero sa kaniya lang.
Sa online talk show na “Just In,” tinanong ng host na si Paolo Contis kung may panahon ba ngayon si Ashley sa lovelife.
“Ngayon parang, hindi naman sa wala. It’s more of hindi ko siya pina-prioritize,” sagot ni Ashley, na sinabing “very single” siya.
Inilarawan ni Ashley ang mga katangiang gusto niya sa isang lalaki.
“Physically I want someone who’s taller than me. Kailangan mga 6’2 and above. Someone who is fit, kasi siyempre athletic ako, para makasabayan ko siya sa gym or anything. Tapos mabango,” sabi ng “Hearts On Ice” star.
“Siguro sa ugali. I want someone na may takot sa Diyos or nagdadasal. Family-oriented, may respect, tsaka well-mannered,” dagdag pa ni Ashley.
Tinanong ni Paolo si Ashley kung gusto niya ng isang maginoo pero medyo bastos.
“Although gusto ko rin ng medyo bad boy, ayoko naman ng sobrang bait, ‘yung goody two shoes, hindi ko peg ‘yan. ‘Yung sa akin lang siya bad boy,” sabi ni Ashley.
Ngunit pagklaro niya, “Hindi naman ‘yung masama. ‘Yung more on in a manly way naman.”
“May mga na-meet kasi akong guy na alam mo ‘yung masyado kang pini-please, bait-baitan. Ayoko ng ganu’n, nakaka-boring,” saad ng dalaga.
Para kay Ashley, wala siyang nakikitang spark sa mga lalaking sobrang mabait pagdating sa kaniya.
“Siguro kasi ayoko ng lalaki na lahat ng lahat ng sasabihin ko gagawin niya. ‘Yung bad boy naman na sinasabi ko, it’s more of hindi ako ito-tolerate. Siguro ‘yung mga alpha male, para may matututunan din ako,” paliwanag ng aktres.
Ayon pa kay Ashley, may mga pagkakataong matigas ang kaniyang ulo, kaya kailangan niya ng lalaking hindi sasang-ayon sa kaniya sa lahat ng bagay.
Dagdag pa niya, gusto niya sa lalaki ang makikinood sa kaniya ng mga Korean drama.
“‘Yung may soft side, ‘yung kayang sabayan ‘yung trip ko kasi medyo makulit din ako eh.Pero ‘yung lahat ng mga sasabihin ko susundin, ayoko ng ganu’n,” sabi pa ni Ashley.
Iniulat kamakailan na single na muli si Ashley matapos ang hiwalayan nila ng kaniyang dating nobyo na si Lucena City mayor Mark Alcala. --FRJ, GMA Integrated News