Nagsalita na si Vic Sotto kaugnay ng mga isyu tungkol sa longest-running noontime show sa bansa na "Eat Bulaga."
"'Eat Bulaga' is here to stay," deklara ni Vic sa ulat ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras Weekend."
Inihayag din ni Vic na hindi pa siya magpapahinga sa show business.
"Marami pa akong matutulungan. Marami pa akong ma-e-entertain," paliwanag ni Vic na kilala rin sa tawag na Bossing.
Ginawa ni Vic ang pahayag sa harap ng mga pagbabago na umano'y ipatutupad ng mga namumuno ng TAPE Inc., ang production company sa likod ng "Eat Bulaga."
Nauna nang sinabi ni Bullet Jalosjos, Chief Finance Officer of TAPE Inc., na "rebonding" at hindi "rebranding" ang mangyayari sa Eat Bulaga.
Patuloy din umanong magiging bahagi ng programa ang mga original host nito na sina Vic, Tito Sotto, at Joey de Leon.
Pero ayon kay Tito Sotto sa panayam ng "Updated with Nelson Canlas" podcast, hindi tama ang nasabing pahayag ni Jalosjos.
"Mabibitawan kami ng salita na ire-retain kami. Ha? Para namang napakakawawa namin," ayon sa dating Senate president.
Mapapanood naman si Vic sa upcoming sitcom na "Open 24/7," kasama sina Maja Salvador at Jose Manalo. —FRJ, GMA Integrated News