Dahil parehong nasa mundo ng pulitika at showbiz si Alma Moreno, tinanong siya ng King of Talk na si Boy Abunda tungkol sa pagkakaiba ng dalawang larangan at ano ang mas gusto niya.
Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Lunes, ipinaliwanag ni Alma na nagiging maingay lang ang intriga sa showbiz kung may proyekto o pelikulang ginagawa ang artista.
"Ang showbiz kuya Boy kung may pelikula kang ginagawa at pinopromote mo, lahat ng tsismis lumalabas, publicity kasi meron showing ka," paliwanag niya.
"Ang pulitika, habang nandyan ka walang katapusang intriga. Lalo na naman ngayon, bubuhayin-bubuhayin nila [ang isyu] at kaya pa nilang gumawa ng tsismis," patuloy niya. "Ang mga 'marites' nabubuhay lahat. Walang katahimikan."
Gayunman, sinabi ni Alma na pareho niyang gusto ang showbiz at pulitika nang tanungin siya ni Tito Boy kung ano ang mas gusto niya sa dalawa.
"Both Kuya Boy. Hindi ko maiwan ang showbiz," saad niya. "Nagsisilbi ako sa bayan, at the same time paisa-isa nagso-showbiz ka."
Dating naging konsehan ng Parañaque si Alma, at nagsilbi pang pinuno noon ng National President of the Philippine Councilors League (PCL). Sa ngayon, nabo-volunteer umano siya sa iba't ibang programa tulad ng kaniyang Alma Cares.
"Ngayon bumabalik ako sa showbiz pero babalik din ako sa pulitika," pahayag niya.
Sa naturang panayam, tinanong din si Alma kung may plano pa siyang magpakasal muli.
"No. Parang wala namang suwerte kuya Boy," tugon ng aktres.
"Sabi nga nila sa akin sa career ok pero pagdating sa love siguro hindi ako suwerte," dagdag niya.
Huling ikinasal si Alma sa isang alkalde sa Mindanao kung saan nagkaroon sila ng isang anak. Pero naghiwalay din sila kinalaunan.
Aminado si Alma na sobra siyang magmahal na ibinibigay niya ang lahat at nakakalimutan na niyang magtira para sa sarili.
Pero sa kabila nito, sinabi ni Alma na wala siyang pinagsisihan na nagmahal siya. --FRJ, GMA Integrated News